Para sa'yo Bgy. Chairman Melchor 'Prutas' Retizo
(Huling Bahagi)
NARITO ang karugtong ng sulat na ipinadala sa akin ng mga taga-Bgy. 88 Zone 8 Caloocan City. Inirereklamo nila ang panghaharabas ni Bgy. Chairman Melchor “Prutas” Retizo. Inuulit ko, open ang pahinang ito para sa panig ni Chairman.
Mula nang mailabas ito, gabi-gabi ang ginagawang pag-iikot ng mga alagad ni Retizo sa daan-daang mga vendors kung saan sapilitan ang paniningil ng P50 butaw kada 2 meter X 1.5 meter na puwesto. Mahigit 200 po ang mga vendors kada araw at gabi na pumupuwesto sa Bgy. 88 at mahina ang P10,000 kada araw o tumataginting na P300,000 kada buwan na nakokolekta ni Chairman Retizo sa illegal vendors na mistulang ginawa nitong legal dahil sa kanyang kautusan sa barangay.
Ayon po sa Saligang Batas, hindi maaaring matabunan ng isang lokal na ordinansa ang isang nasyunal na batas tulad ng Republic Act 7924. Tingin po ba ni Chairman Retizo ay higit pa ang kanyang kapangyarihan kay MMDA Chairman Bayani Fernando sa pagpapalegal niya ng illegal vending sa kanyang barangay. Sa MMDA Resolution No. 02-28 series of 2002, binibigyan nito ng otorisasyon ang MMDA at mga lokal na pamahalaan na linisin ang mga sidewalks, kalsada at mga bangketa sa lahat ng obstruksyon kabilang na ang mga illegal vendors.
Tingin po ba ni Chairman Retizo ay higit pa siya sa Office of the President na nagpalabas ng memorandum para sa lahat ng Mayor ng Metro Manila at Philippine National Police noong Nobyembre 6, 1992 na mahigpit na tanggalin ang lahat ng obstruskyon sa trapiko tulad ng “makeshift stalls, basketball courts at iba pa” upang matiyak ang mabilis na daloy ng trapiko.
Tingin po ba ni Chairman Retizo ay higit pa siya sa Korte Suprema na sa ruling sa “Umali vs. Aquino C.A. Rep 339” ay nagsabi na okupasyon ng sinumang priadong indibidwal sa mga sidewalk na dapat ay gamit ng publiko ay isang uri ng “nuisances”.
Maituturing rin po na paglabag sa Republic Act 3019 o “Anti-Graft and Corrupt Practices Act” ang paghingi at pagtanggap nina Retizo at mga kasamahan sa konseho ng tong buhat sa mga illegal vendors. Pasok ito sa Section 2 paragraph C kung saan nakasaad:
(c) Directly or indirectly requesting or receiving any gift, present or other pecuniary or material benefit, for himself or for another, from any person for whom the public officer, in any manner or capacity, has secured or obtained, or will secure or obtain, any Government permit or license, in consideration for the help given or to be given, without prejudice to Section thirteen of this Act.
Bukod po sa isyu ng pangongolekta ng tong sa mga vendors, siya rin po ang nangungunang mastermind ng mga illegal vendors ng prutas kung saan nagkalat din ang kanyang mga puwesto ng kariton at lamesa hindi lang sa sarili niyang barangay 88 ngunit maging sa mga karatig na barangay sa Gracepark, Monumento.
Isang paglabag rin po ang ginawa ng aming Chairman sa guidelines ng DENR dahil sa ginawang pagpuputol ng mga puno na may edad higit na sa 5 taon sa mga bangketa. Ayon sa DENR, kailangang mag-secure muna ng permit sa ahensya ang sinumang magtatanggal ng puno habang kailangang bunutin kasama ang ugat at ilipat sa ibang lugar ang punong higit sa 5 taon na.
Ginawa umano ito ni Retizo dahil sa obstruksyon ito sa daloy ng trapiko. Ngunit sa kabila nito, mas matindi pang obstruksyon sa trapiko ang ginawa ni Retizo nang magpatayo ito ng konkretong barangay hall na sumakop sa halos kalahati ng kalsada na tinanggalan niya ng mga puno na lumilikha ng labis na pagsisikip ng trapiko sa kanyang lugar. Masama pa nito, hindi naman nagagamit ang naturang barangay hall habang ginagamit na opisina ang kanyang inuupahang bahay na gumagamit ng kuryente buhat sa mga jumpers.
Ipinagmamalaki umano ni Retizo na “untouchable” siya sa Caloocan dahil sa malakas umano siya kay Mayor Recom Echiverri at kadikit rin niya si Mr. Al Sta. Maria, ang hepe ng Reformed Public Safety and Traffic Management (RDPSTM) ng pamahalaang lungsod ng Caloocan. Naniniwala po kami na hindi ito totoo at agad na aaksyunan ng butihing alkalde ang sumbong ng nakakarami niyang mga residente laban sa naturang abusadong chairman.
May mga documents po kami ng mga barangay resolution niya, video ng paggamit niya ng tricycle service ng barangay sa paghahatid ng kanyang panindang mga prutas at larawan ng barangay hall na umokupa sa kalsada sa barangay. Marami rin pong vendors ang nais magreklamo sa puwersahang pangongolekta ng mga tauhan nito at pinatatanggal agad ang puwesto kapag hindi nakapagbigay.
- Latest
- Trending