SA mga naging biktima ng baha noong Setyembre 26, akala raw nila katapusan na ng mundo. Sa isang iglap daw ay naging dagat ang kapaligiran. Tumaas ang tubig at maraming hindi nakaalis sa kanilang kinalalagyan. Ang tanging nagawa ng iba ay umakyat sa bubong ng bahay at doon naghintay ng sasagip.
Lalo pa silang natakot habang padilim nang padilim ang lugar at patuloy pa ang pag-ulan at pagtaas ng tubig. Naubusan ng baterya ang kanilang mga cell phone kaya walang magamit para makatawag at makahingi ng tulong. Nawala na ang kuryente. Maraming nasa bubong ng bahay ang nakaranas ng gutom.
Karamihan sa mga Pinoy dito sa US ay nag-aalala sa kanilang mga kamag-anak sa Pinas. Mayroong gustong tumawag subalit putol ang komunikasyon. Ang malaking baha ay napapanood nang maraming Pinoy dito kaya naman nasakmal sila ng pangamba sa kalagayan ng kanilang mga mahal sa buhay. Sabi pa ng ilang Pinoy dito, ngayon lang sila nakakita nang ganito kalaking baha sa Metro Manila.
At marami ang nagtatanong dito kung sino nga ba ang dapat sisihin sa nangyaring pagbaha sa Metro Manila at maraming probinsya. Sabi nila hindi raw sapat na gobyerno lang ang dapat sisihin sa nangyari. Dapat din daw sisihin ang mga mamamayan mismo dahil sa pagbabale-wala na alagaan o protektahan ang kalikasan.
Sigurado ako, malaki ang kaugnayan ng walang habas na pagtatapon ng basura ng mga taong walang disiplina. Ang mga basura ang nagpapabara sa mga estero o kanal. Tapon lamang nang tapon at walang pakialam kung anuman ang mangyari sa kapaligiran.
Sigurado ako na marami na namang isinukang basura ang Manila Bay. Ang Manila Bay ay napapaligiran nang maraming bayan at munisipalidad at lahat nang basura ay sa dagat na ito nagtutungo. Lahat dito iniluluwa. At nang mapuno na ang Manila Bay muli itong ibabalik sa mga walang disiplinang mamamayan.
Sa palagay ko dapat nang maging mahigpit ang pamahalaan sa mga pabrika, factory na ang kanilang dumi ay sa Pasig River nila itinatapon. Kapag napuno ang Pasig River, sa Manila Bay naman ang tungo nito. Patay na ang mga isda at iba pang lamandagat. Hagupitin ng gobyerno ang mga pabrika at paktorya.
Magsagawa rin ang gobyerno ng mga hakbang at paraan para mabigyang babala ang mamamayan sa biglang hagupit ng kalamidad.