EDITORYAL - Walang patumanggang pagtatapon ng basura
ISANG dahilan nang mabilis na pagbaha sa Metro Manila ay dahil sa mga baradong creek at canal. Ang laman ng mga creek at kanal ay pawang plastic bags na kailanman ay hindi natutunaw. Kapansin-pansin ngayong humupa na ang tubig-baha ay ang nagkalat na mga basura na karamihan ay shopping bags sa mga malalaking pamilihan at ganoon din ang mga plastic bags na tingi-tinging nabibili sa palengke. Kapansin-pansin din ang mga balat ng noodles, kaha ng sigarilyo, kendi, botelyang plastic ng softdrinks, mineral water, energy drink, toothpaste, dishwashing liquid at marami pang plastics. Sa dami ng mga basurang ito na nakabara sa waterways, imposible nang makadaan ang tubig baha. Hahanap nang madadaanan kaya wawasakin ang mga pader at iba pang nakaharang para makaagos.
Ang bangis ng bagyong si Ondoy noong Sabado ang nagbuhos nang walang patid na ulan. Nang mag-alas nuwebe ng umaga, naramdaman na ang pagtaas ng tubg hanggang sa mabilis na lumaki. Ang hanggang tuhod ay naging hanggang baywang at umabot sa hanggang leeg. Nagngangalit ang tubig na naghanap nang madadaluyam. Bumubulusok kaya naman walang nagawa ang mga pader at bahay na nadaanan. Grabeng apektado ang mga residente sa eastern portion ng Metro Manila sapagkat maski ang second floor ng kanilang bahay ay inabot din ng baha. Marami sa kanila ay sa bubong na-rescue. Maraming sasakyan at appliances ang lumutang-lutang.
Kawalan ng disiplina sa pagtatapon ng basura ang dahilan kaya mabilis ang pagtaas ng tubig. Kung mailalagay lamang sa ayos ang pagtatapon ng basura, hindi mangyayari ang grabeng pagbaha. Sa nakalipas na 20 taon, ngayon lamang nangyari ang grabeng pagbaha na ang mga dating lugar na hindi inaabot ng tubig ay lumubog na rin. Walang madaanan ang tubig kaya mabilis ang pagtaas at nag-aalimpuyo pa sa lakas ang agos.
May mga ordinansa sa bawat bayan at siyudad na nagbabawal sa pagtatapon ng basura sa mga daanan ng tubig pero sa kabila niyan ay patuloy pa rin ang masamang gawain. Hindi kaya ningas-kugon ang awtoridad kaya naman wala nang pagkatakot ang mamamayan? Mahigpit sa una pero kapag tumagal na, balik sa dating luwag. Sana, naimulat ni Ondoy ang mga mata ng pinuno at pati na rin mga walang disiplinang mamamayan hinggil sa tamang pagtatapon ng basura.
- Latest
- Trending