Delubyo
NOONG SABADO, ipinaramdam ni Inang Kalikasan kung gaano tayo walang kalaban-laban kapag ginusto niyang ipakita ang lakas niya. Paano mo lalabanan, o paghahandaan ang isang baha na hindi mo naman inaasahang mangyayari? May mga lugar sa Metro Manila na hindi nakakatikim ng baha sa loob ng limang dekada. Pero ng Sabadong iyon, lubog ang kanilang paligid! Nagmistulang dagat na may maliliit na islang sumisilip ang buong Metro Manila. Hindi ko matandaan kung kailan huling nangyari ang ganitong katinding baha. Ang balita noong araw na iyon ay puno ng mga lumilikas na mula sa kanilang mga tahanan. Mga wala namang mapuntahan ay sa bubong na lang nila nagpuntahan. Marami ang humingi ng tulong, pero hindi rin sila mapuntahan dahil maraming mga kalye ang hindi na madaanan. Parang delubyo ng panahon ng Biblia!
Naging kapansin-pansin ang kakulangan natin sa kagamitan para sa ganitong klaseng kalamidad. Mga rubber boats na nakatulong sana nang malaki sa mga na-stranded na tao. Tayo’y isang bansa na pinapaligi-ran ng karagatan, kaya dapat handa rin tayo sa ganitong pangyayari. Mga airboats katulad ng ginagamit sa Everglades sa Florida ang mas bagay sa ganitong sitwasyon, dahil marumi ang tubig na dadaanan. Kulang rin tayo sa malalaking trak katulad ng gamit ng AFP na M35. Matataas ito at all-wheel drive kaya makakalusong ito sa malalalim na tubig.
Sa nangyari noong Sabado, dapat may matutunan rin tayong lahat. Ang tubig ay hahanap at hahanap ng mapupuntahan. Hindi nakayanan ng mga estero at sapa na tumatakbo sa buong siyudad ang dami ng tubig na binagsak ng bagyong Ondoy. Kaya binaha ang mga lugar na hindi inaasahang magbabaha. Babalik na naman tayo sa turuan kung bakit ganito ang nangyari.
Mga naninirahan sa tabi ng mga sapa na ginagawa lang basurahan ang daanan ng tubig. Maliwanag na hindi kaya ng MMDA ang malaking problemang ito. Kahit ilang beses pa nilang linisin ang mga estero, kung hindi titigil ang maling pagtapon ng basura, asahan natin na kapag may bagyong katulad ng Ondoy, lulubog ulit ang siyudad, at lalangoy ulit tayo sa sarili nating basura. Tandaan na Setyembre pa lang. Mga malalakas na bagyo ay tuwing Oktubre at Nobyembre!
- Latest
- Trending