BEINTE porsiyento ang populasyon ng mga Pilipinong matatagpuan sa Vallejo City California sa 110,000 residenteng binubuo ng iba’t-ibang lahi sa lugar nito.
Sa beinte porsiyento na ito, 35 ang kabilang sa tinatawag na sex offenders sa nasabing lungsod. At lima (5) sa 35 na ito, napa-deport na pabalik sa Pilipinas.
Sex offender ang tawag sa isang indibidwal na nasangkot o gumawa ng krimeng may kinalaman sa panghahalay, pang-aabuso, pangmomolestiya at pakikipag-talik sa mga menor de edad.
Tinatawag na sex offender ang isang tao kapag nila-bag nito ang Megan’s Law, isang batas na mahigpit na ipinatutupad sa Estados Unidos upang makilala ng publiko ang mga sex offender’s sa kani-kanilang lugar.
Nagkainteres ang BITAG sa batas na ito dahil walang ganitong ipinatutupad sa bansang Pilipinas. Maraming sex offenders sa ating bansa subalit nakakalaya at paulit-ulit na nagagawa ang kanilang pambibiktima.
Napag-alaman ng BITAG sa Vallejo Police Depart-ment na hindi biro ang tawaging sex offender sa bansa ni Uncle Sam. Habambuhay na responsibilidad sa pagrerehistro at nakatatak sa pangalan ng isang tao ang pagiging sex offender.
Isang website sa internet ang makikita kung saan nandirito matatagpuan ang lahat ng pangalan, mukha at iba pang pagkakakilanlan ng lahat ng sex offenders sa bawat lungsod, state at county sa Estados Unidos.
Maaari ngang hindi makulong ang isang sex offender sa bilangguan subalit may nakakabit namang mga Global Position System o GPS bracelet sa kanilang paanan.
Dito malalaman ng bawat Police Department kung nasa delikadong lugar ang mga sex offender tulad ng eskuwelahan kung saan maraming menor-de-edad at kung lumipat ng lugar ang sex offender.
Oras na mag-alarm ang system ng Police Department na nagsasabing umalis sa permanenteng lugar ang sex offender, hahanapin nila ito at patitiktikan sa mga otoridad.
Sinisigurado ng kanilang sistema na hindi na makapambibiktima pa ang mga suspek.
Kaya naman nababahala ang BITAG sa mga Pilipinong sex offender mula sa California na napauwi na ditto sa Pilipinas. Siguradong hindi pa alam ng ating gobyerno kung sinu-sino ang mga ito.
Ang masaklap dito, hindi rin malalaman ng ating mga kababayan kung sinu-sino ang mga ito, oportunidad lang ang kailangan, dito naman sila sa Pilipinas mambibiktima.
Dahil napalayas na sila sa California dahil sa paglabag sa Megan’s Law, Pilipinas naman ang gagawin nilang palaruan para sa kanilang kalokohan. Maging babala sana ito sa ating mga alagad ng batas para kumilos at mabantayan ang mga kolokoy na ito.