'Gout kaya itong nararanasan kong sakit?'
“Ako po ay 45 years old at kasalukuyang narito sa Jeddah, Saudi Arabia at nagtatrabaho bilang supervisor sa maintenance company. Mahilig akong kumain ng atay ng manok at monggo. Hanggang sa maramdaman ko ang pananakit ng aking kasu-kasuan. Namamaga ang hinlalaki ng aking mga paa. Me nagsabi sa akin na gout ito at ang sabi naman ng isa pa, arthritis ito. Hindi ako makapagpa-check-up sa doctor dito dahil wala akong tiwala, Gusto ko Pinoy doctor ang mag-aadvice sa akin,”
– TIMOTEO MAMARIL
Batay sa sinabi mong sintomas, gout ang nararanasan mo. Karaniwang dumadapo ang gout sa mga kalalakihang may edad 40 pataas. Masakit kapag dumapo ang gout. Palatandaan ng gout ang pagkakaroon ng fever at pamamaga ng kasu-kasuan. Pinakamasakit na bahagi ang hinlalaki ng mga paa. Nagkakaroon ng gout dahil sa mataas na deposits ng monosodium urate crystals na naiipon sa mga kasu-kasuan. Nasa dugo ang mataas na uric acid.
Karaniwang ibinibigay sa may gout ang Colchicine para mabawasan ang pananakit at ang pamamaga. Gayunman, ang Colchicine ay nagiging dahilan ng diarrhea at ang pinaka-serious na side effects ay ang pagkapinsala ng bone marrow. Ipini-prescribed na rin ang non- steroidal anti-inflammatory drug kasama ang Allopurinol. Ang Allopurinol ay gamot na humahadlang sa production ng uric acid sa katawan. Ang gamot na ito ay kapaki-pakinabang sa mga may mataas na uric acid blood level at ganoon din sa mga may kidney stones. Dapat namang imonitor ng doctor ang mga gumagamit ng Allopurinol sapagkat ang gagamit nito ay maaaring makaranas ng pananakit ng sikmura, skin rash, pag-decrease ng white blood cell count at maaaring mapinsala ang atay.
Hindi lamang sa hinlalaki maaring tumama ang gout kundi pati na rin sa balikat, siko, daliri, gulugod, baywang at iba pang bahagi ng katawan.
Para maiwasan ang gout, ipinapayo ko na: 1) Magbawas ng timbang; 2) Iwasan uminom ng alak at kumain nang mataas sa purines gaya ng atay, kidneys, utak, sardinas, dried beans, asparagus, cauliflower, mushrooms at spinach; at 3) Uminom nang maraming tubig araw-araw.
- Latest
- Trending