KAYA naman pala nagkakahitot-hitot ang trapik sa lungsod ni Recom Echiverri ay dahil may nakikinabang na mga gahamang opisyales ng barangay. Kaya, Mayor Recom, gumawa ka ng hakbang sa madaling panahon at baka makalimutan ka sa darating na 2010 eleksyon. Maging si DILG Sec. Ronaldo Puno at MMDA chairman Bayani Fernando na nagpupumilit na tumakbo sa pagiging bise at presidente ng bansa ay dapat umaksiyon upang mapabango ang mga sarili.
Ayon sa natanggap kong liham mula sa mga ginagatasan ni Chairman Retizo, limpak-limpak na datung na ang naibulsa niya dahil sa paghari-harian sa naturang lugar. Kaya para maging madali kina Recom, Puno at Fernando na maunawaan ang panghaharabas ni Retizo, ilalathala ko nang buong-buo ang liham dito sa aking kolum. Basahin mo rin ito Bgy. Chairman Melchor “Prutas” Retizo. Open naman ang pahina para sa iyong panig.
Mr. Bening Batuigas
Columnist, Pilipino Star Ngayon
Mr. Batuigas:
Magandang araw po sa inyo. Kaming mga residente ng Bgy. 88 Zone 8 District II, ng lungsod ng Caloocan at masugid na tagatangkilik ng inyong malaganap na kolum sa Pilipino Star NGAYON.
Layon po ng aming liham na maipaabot sana sa pub-liko ang mga aktibidad at mga kautusan ng aming barangay chairman na si Mr. Melchor Retizo, alyas “Prutas”, na sa tingin namin ay may mga paglabag sa batas at paglabag sa karapatang pantao ng mga residente ng aming barangay.
Nag-umpisa po ang maling palakad ng aming chairman nang magpatawag ito ng isang pagpupulong noong Agosto 5, 2009 sa lahat ng illegal vendors sa mga pangunahing kalsada ng aming barangay partikular na sa tapat ng Ever Gotesco Grand Central mall at Jackman Dept. Store sa kahabaan ng Rizal Avenue Extension malapit sa Monumento. Layon ng pagpupulong na pag-usapan ang ilalatag na ordinansa ukol sa mga vendors, clean and green program at pagdidisiplina sa mga vendors ngunit nauwi sa paghingi ng arawang butaw na P50 bawat ilegal na puwesto sa barangay.
Batid naman po nang marami na napakatagal nang problema sa Monumento ang daan-daang illegal vendors na pumapatay sa negosyo ng mga lehitimong mga establisimiyento sa lungsod. Ngunit sa halip na ipatupad ang isinasaad sa Republic Act 7924 na nag-aatas sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na linisin ang lahat ng kalsada at bangketa sa mga obstruksyon sa trapiko ay kanya pa itong patuloy na kinunsinti.
Sa Barangay Resolution #19 na inilabas ni Chairman Retizo at ng siyam niyang mga kagawad ay inaprubahan ng mga ito ang malawakang paglilinis sa lahat ng uri ng vendors buhat sa Jackman Mall sa Bustamante street sa Rizal Avenue Extension hanggang Madre Ignacia Avenue malapit sa Ever Gotesco mall at Madre Ignacia at Maria Clara Street na sakop ng Bgy. 88. Kasama umano ito sa “5 year medium term plan” ng barangay.
Ngunit sa inilabas na “Sulat Kasunduan” ni Chairman Retizo nitong Agosto 6, 2009, sa halip na walisin ang mga illegal vendors ay ipinagpatuloy pa nito ang pagtitinda sa mga bangketa na may kapalit na pagbibigay ng arawang butaw o tinatawag pa nilang tulong pinansyal para sa barangay na gagamitin umano sa mga proyekto. Kasama sa tagapagpatupad ng paniningil ng butaw sina Jess Villena, Jaime Quito, Zenaida Lazo at Dominador Aquino.
(Basahin ang karugtong sa Martes)