Ang hinahanap na presidente

NANG pumanaw si dating President Cory Aquino, saka lang nangibabaw ang mga kabutihang nagawa niya sa sambayanan. Pinairal niya ang demokrasya na napaka­tagal ding nawala sa rehimeng Marcos. Halos 20 taon na ipinagkait ni Marcos ang kalayaan. Kaya hindi malilimutan si Cory sapagkat natikman sa kanya ang kalayaan at tapat na paglilingkod ng isang presidente.

Tamang-tama naman na sariwa pa ang ipinakitang pagmamahal ng mga Pilipino sa pumanaw na presidente nang magkaroon ng pagpili sa mga ikakandidato ng iba’t ibang partido sa pagka-presidente sa 2010. Ito marahil ang dahilan kung bakit umatras si Sen. Mar Roxas at inindorso si Sen. Noynoy Aquino na anak nina Cory at Ninoy. Si Ninoy ay itinatanghal ding bayani dahil sa paki­kibaka kay Marcos.

Maraming natuwa sa pagkakapili kay Noynoy sapagkat naniniwala sila na ito ang magpapatuloy sa mga adhikain ng kanyang mga magulang. Hindi nanaig ang sinasabi ng ilan na bata pa raw si Noynoy at kulang ang karanasan. Hindi nila alam matagal na naging kongre-sista si Noynoy at isa rin itong ekonomista.

Ayon sa mga Pinoy dito sa US, hindi na pinag-aralan, karanasan, kayamanan ang magiging basehan ng kanilang ibobotong presidente. Ang importante sa kanila ay ang pagkatao ng kumakandidato. Mayroon daw ba itong isang salita, hindi sinungaling, hindi sakim sa salapi at kapangyarihan. Ayaw nila ng kunwari ay maka-Diyos at makatao, yun pala ay kabaliktaran ang ginagawa.

Sa malinaw at madaling salita, ang hinahanap ng mga Pinoy dito sa US ay kahalintulad nina Ninoy at Cory. Ang tanong, sa mga kakandidato kaya sa 2010 ay makikita ang kaanyuan nina Cory at Ninoy. Ako ay walang masasabi.

Show comments