NAGING pulis, senador at pumalpak sa ambisyong maging presidente ng bansa, tila may “career shift” o nag-aaral ng bagong propesyon ngayon si Senador Panfilo Lacson – ito ay ang paglulubid ng kasinungalingan at pag-iimbento ng istorya.
Ito ang napag-usapan namin ng aking panganay na anak na si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada, chairman ng Senate Committee on Labor, Employment and Human Resources Development at ng joint Congressional Oversight Committee on Labor and Employment.
May ilang nagsasabing medyo maganda sana ang nilikhang “fiction stories” ni Lacson sa inilahad niyang privilege speeches, ang kaso lang, maraming butas ang mga kuwento niya.
Una, sinabi niyang may nakuha siyang sensitibong usapan sa telepono. Lumalabas na gumamit siya ng iligal na “wiretapping” kung totoo mang may naganap na ganoong phone conversation. Kung babawiin niya ang pahayag na ito kapag naipit siya sa kasong paglabag sa Anti-Wiretapping Law ay mapipilitan naman siyang aminin na inimbento lang niya yung kuwento.
Sa pahiwatig din niyang sangkot si Jinggoy sa jueteng ay pinalalabas naman niya na siya ay mas nag-aral, nagsaliksik, mas matalino at mas may alam kaysa sa hukuman na nag-abswelto kay Jinggoy sa kaso,
Sinasabi rin ni Lacson na oposisyon siya, pero ipinagmamalaki naman niya na karamihan sa kanyang datos kuno ay kinuha niya sa mga kaibigan daw sa Malacañang.
Ayon din kay Lacson, dinukot si Edgar Bentain sa Roxas Blvd at pinatay sa Laguna, gayung hanggang ngayon, wala pang “official findings” kung saan at ano ba ang nangyari kay Bentain. Nagkabuhul-buhol din ang mga pag-iwas ni Lacson sa detalyadong pagsasangkot sa kanya ni dating police colonel Cesar Mancao sa Dacer-Corbito murder case.
Patong-patong ang nakita ng taumbayan na kapalpakan sa mga inimbentong istorya ni Lacson.