ANO ang rason sa patuloy na pagbili ng Dep-Ed Instructional Materials Council ng textbooks na puro mali? ‘Yan ang dapat sagutin ni executive director Socorro Pilor. Nilista ko nu’ng Lunes at Martes ang ilang mali na nakita ni anti-“sick books” crusader Dr. Antonio Calipjo Go sa Landas ng Pagbasa at Landas ng Wika ng Dane Publishing. Wala raw nakapasa sa bidding nu’ng 2006 at 2007, kaya nag-repeat order si Pilor ng mahigit isang milyong kopya ng dalawang sick books nu’ng 2007 at 2008. Kesyo raw nirepaso naman ang nilalaman ng mga eksperto ng UP at Ateneo. Kung gan’un, ipaliwanag nga ni Pilor kung bakit may mga ganitong laman ang Landas ng Wika:
• Pinagtitibay ang katitikan ng pulong. Itinitindig ang pagpupulong bilang pagwawakas nito. Lahat ng mga desisyon na ihahapag sa talakayan ay dapat na pangalawahan upang mapagtibay.
• Maaaring nalimutan na natin ang ginawa ng ating mga bayani ngunit dapat pa rin natin silang pahalagahan.
• Kulay morena ang tinataglay niya.
• Nanungkit ng santol ang mga bata sa pamamagitan ng patpat.
• Mga Larong Gaya-gaya: Bahay-bahayan, Basketball, Softball.
• Mga Larong Nagtuturo ng Disiplina: Pagpapalipad ng Saranggola, Taguan.
• Itanim mo ang halamang gulay.
• Mayaman tayo sa kalikasan. Sagana tayo sa kalikasan.
• Ang buong paligid ay buong kadetalyehang naisiwalat.
• Pokus sa tagaganap o aktor pokus; Pokus sa layon o gol pokus; Pokus sa tagatanggap (benepaktib); Pokus sa ganapan (lokatib); Pokus sa sanhi (kawsatib)
• Adres. Bulitin bord. Inhinyeriya. Iskrabol. Iskursyunista. Kamping. Sori.
Hindi kaya malinaw kay Pilor kung bakit mali ang mga ito?