DUMARAMI ang food supplements partikular ang mga herbal na naglalabasan ngayon sa merkado.
Ilan sa mga ito, gumagamit pa ng television infomercials ng mga kilalang personalidad na ineendorso ang mga nasabing herbal food supplement.
Ang nakakatawa pa rito, may isang infomercial, isang doktor ang nagpagamit sa pag-endorso nitong mala-damong herbal na hinahalo sa tubig at iniinom.
Malamang hindi ito alam ng Philippine Medical Association (PMA) na nauna nang nagpalabas na nagbabawal sa mga doctor na mag-endorso ng anumang medisina, bitamina o food supplement.
Nababahala na rin ang Department of Health sa mga pahayag na may halong panlilinlang ng mga food sup-plement sa kanilang mga advertisement sa telebisyon, diyaryo, radyo at mga billboard.
Naniniwala ang kolum na ito, na panahon nang higpitan ng DOH sa pamamagitan ng Bureau of Food and Drugs ang mga pahayag o “claims” ng nasabing mga herbal food supplement manufacturers.
Hindi sapat ‘yong nakasulat lang na “No Approved Therapeutic Claim” dahil ginagamit lang nila ito bilang burloloy na nakatatak lang sa kanilang mga produkto.
Ang dapat atupagin ng BFAD sa ilalim ng DOH ay kung totoo ang mga pinagsasabi nitong mga bayarang endorser na sumusunod lang sa layaw nitong mga food supplement manufacturers.
Subalit kung totoo nga na nagbibigay lunas o nagpa-pagaling sa mga gumagamit ang nasabing food supplement, walang problema kung nakakatulong talaga.
Ang dapat sa mga infomercial ay totoong testimonya ng mga gumagamit na nabigyan ng lunas at umigi sa kanilang anumang karam daman. WALANG BAYAD, natutuwa at nagpapasalamat lang dahil sa pagbabago na kanilang nararamdaman.
Dapat higpitan na ng DOH at BFAD ang kanilang kampanya laban sa mga panloloko’t panlilinlang ng mga food at herbal supplement manufacturers na talamak ngayon sa merkado.
Alamin, usisain at suriin ang bawat advertisement at infomercials na naglalabasan ngayon sa media. Ilan sa mga ito, panlilinlang at mga kasinungalingan.
Maging wais, ‘wag paloloko sa mga advertisement at infomercial na mga ito. Mag-ingat, mag-ingat!