EDITORYAL - Kawawang mga bata sa public school (2)
KAHAPON ay laman ng aming editorial ang ginawang direktiba ng Department of Education (DepEd) na pagpapaikli sa oras na gugugulin ng mga estudyante (Grade 1-6) para raw mabawasan ang pagsisikip sa mga classroom. Sa direktiba ni DepEd Sec. Jesli Lapus, magiging tatlong shifts ang pasok ng mga estudyante. Maaaring magsimula ng 5:30 a.m. hanggang 10:00 a.m. ang Grade 1 & 2; 10:00 a.m hanggang 2:00 p.m. ang Grade 3 & 4 at 2:00 p.m. hanggang 6:00 p.m. ang Grade 5 & 6. Ang ganitong pagbabago sa oras ng mga estudyante ay maaaring makatulong sa pagluwag ng classroom pero dapat din namang tiningnan ng DepEd kung mayroon bang matututuhan ang mga estudyante sa maikling oras na ilalagi sa school. Sa aming palagay, hindi ito makatutulong sa paglinang ng kaalaman ng mga bata. Tiyak na maraming bata ang lalabas na walang nalalaman dahil sa maikling oras na pag-aaral.
Ang pagpapaikli ng oras ay isa lamang dahilan kung bakit may mga batang lumalabas na mahina sa pag-aaral. Isang mabigat na dahilan ay dahil sa mga librong ginagamit. Hanggang ngayon pala, patuloy pang ginagamit sa mga public school ang mga librong tad-tad ng errors. Kahit na ipinag-utos na ng DepEd na huwag nang gamitin ang mga libro, hindi ito sinusunod.
Ibinunyag ng Pilipino Star NGAYON columnist na si Mr. Jarius Bondoc na ang librong may pamagat na Landas sa Wika na nilimbag ng Dane Publishing House noong 1999 ay patuloy pa ring ginagamit sa ka-saluku yan. Ayon kay Bondoc, sinabi raw ng isang DepEd official na nerebyu na ang mga mali sa libro pero nagtaka siya (Bondoc) sapagkat andun pa rin ang mali. Isa sa mga halimbawa na maling nakasaad sa libro ay ito: Hindi makakalimutan ng mamamayang Pilipino ang katagang “I shall return” ni Heneral Douglas McArthur. Isinakatuparan niya ito kasama ng kanyang mga kawal hanggang sa tuluyan na nila tayong masakop.
Sa dakong huli ng kolum ni Bondoc, sinabi niya na pampabobo sa kabataan ang nilalaman ng libro.
Sang-ayon kami sa sinabi ni Bondoc. Talagang malilihis ang kaalaman ng mga bata kung ganito ang mababasa sa libro. Ang mga mali sa libro na kanilang binabasa ang mananatili sa kanilang utak hanggang sa paglaki nila. Ito ang aakalain nilang tama, gayung sa katotohanan ay mali.
At ngayon ay balak pang iklian ang oras ng pasok sa public school. Kawawang mga bata! Isalba sila sa mga kamalian.
- Latest
- Trending