TOTOO nga pala na kahit ang matalik na pagkakaibigan ay puwedeng wasakin ng pulitika. Ang tinutukoy ko ay ang hidwaan ngayon nina Sen. Ping Lacson at ex-President Estrada na dating magkaibigang karnal.
Madalas nating mapag-usapan ang kawalan ng unity ng opisisyon, bagay na maselan lalo pa’t nalalapit na ang eleksyong panguluhan sa 2010. Noong 2004, bokya ang oposisyon dahil din sa pagkakawatak-watak. Para sey ng barbero kong si Mang Gustin, si Ping Lacson ang puno’t dulo ng problema.
Teka, teka, di ko yata maunawaan. Heto ang lohika ng barbero ko. Nagpumilit aniya na tumakbo si Ping sa pagkapangulo noong 2004 pero ‘di malinaw kung si Fernando Poe Jr. nga ang pantapat ng opposition noon laban sa nakaupong pangulo na si Gloria Arroyo.
Nang mapili si FPJ na standard bearer ng oposisyon, si Lacson ay nagdeklara ng sariling kandidatura sa presidency bilang independent candidate kahit sa survey nung mga panahong yaon, si FPJ ang namamayagpag. Sa ginawang yaon ni Lacson, sineguro lang niya ang panalo ni Gloria.
At ang ipinagtataka daw ng barbero ko, sa canvassing noon ng boto sa Kongreso, wala man lang pagtutol ang mga abogado ni Lacson, na tila kinakampihan pa si GMA! Wala man lang narinig na pagprotesta sa obyus na dayaang nangyayari.
Tanong ko naman, bakit dinidemolis ni Ping ang kanyang kaibigan? Ang sagot ni Mang Gustin, naniniwala daw si Ping na ibinubunton ni Estrada sa kanya ang lahat ng sisi kaugnay ng Dacer-Corbito double murder case habang si Erap ay pursigidong tumakbo muli at ayaw i-endorso ang posibleng tambalang Noynoy Aqui-no-Ping Lacson.
At komo si Jinggoy na anak ni Estrada ay nagdeliver din ng privilege speech laban sa kanya, nagbabanta naman si Lacson na isabit si Jinggoy sa jueteng nang ang huli ay meyor pa ng San Juan.
Pinawalang sala na ng Sandiganbayan si Jinggoy sa anumang kaso ng jueteng plunder. Kaya, bakit naman ginagamit na muli ito ni Lacson? At halos dekada na ang nakaraan? Iyan ang tanong ni Mang Gustin.
Sabagay reasonable naman na idepensa ni Jinggoy ang kanyang ama laban sa pagtuligsa ni Lacson. Ang tatay ay tatay. Di ko rin maubos-maisip kung bakit matapos ang maraming taon ay ngayon lamang pasasabugin ang bomba gayun ito’y hindi ginawa ng ang dalawa (Ping, Erap) ay in good terms pa. ‘Ika nga ni Jinggoy, walang utang na loob si Lacson na humingi ng suporta at pag-endorso ng kanyang ama nang ito’y tumakbo sa Senado noong 2001, at muli noong 2004 at muli, noong 2007, na pinagbigyan ni Estrada nang walang kapalit.