NGAYONG linggong ito ay meron pa raw pasasabugin si Sen. Panfilo Lacson ukol pa rin kay dating President Joseph Estrada. Kung matutuloy ito ang ikalawa niyang pasambulat sa dating Presidente. Ang pagsisiwalat ay hindi na bago kay Lacson. Estilo na niya ito. Tatak na niya ang pagsisiwalat sa mga kontrobersiyal na isyu at ang ginagamit niyang venue ay ang Senado. At tagumpay si Lacson sapagkat marami ang nakarinig sa kanya. Mahusay siyang magsalita at tuluy-tuloy ang daloy ng mga pangyayari. Bihira ang taong makapagsasalita ng ganito at nakukumbin-si ang mga nakikinig. Kaya nga tagumpay si Lacson sa ginagawa niyang expose.
Ang unang pasabog ni Lacson kay Estrada ay ginawa noong Setyembre 14. Dinetalye niya ang mga ginawa umano ni Joseph Estrada habang ito ang presidente noong 1998. Sangkot daw si Estrada sa illegal jueteng, smuggling at pananakot sa negosyante ang dating presidente. Naungkat din ang ukol sa kontrobersiyal na Dacer-Corbito double murder. Ang lahat ng mga sinabi ni Lacson ay sinagot naman ni Sen. Jinggoy Estrada, anak ng dating presidente. Pinabulaanan niya ang mga sinabi ni Lacson. Kasinungalingan daw ang mga ito.
Ang matindi ay ang part two ng kanyang pasabog na ngayon ngang linggong ito gagawin. Kabilang daw sa kanyang isisiwalat ang tungkol kay Edgar Bentain at ang smuggling ng bigas. Si Bentain ang casino employee na biglang nawala makaraang kunan ng video si Estrada habang nagsusugal sa isang casino noong 1998. Hinihinalang dinukot at pinatay si Bentain.
Pagpatay kay Dacer, Corbito at Bentain. Mala-laking kaso na unti-unting isinisiwalat ni Lacson. Hindi naman sana pawang “pag-iingay” lang ang kanyang hangad kaya niya ginagawa ang ganito. Kailangang may makamtang hustisya sa kanyang pagsisiwalat. Kung wala, hindi na siya paniniwalaan kahit kailan.