HUMIHINGI ang Department of National Defense ng karagdagang budget na P2.9 billion upang ang Armed Forces of the Philippines ay magkaroon umano ng additional na “interdiction capability” para palakasin pa ang surveillance and communications system nito.
Ang naturang kagamitan ay upang paigtingin ang border security sa Mindanao na kung saan napaka lawak ng coastal area at shorelines nito.
May tinatayang sobra 30,000 boat trips ang nangyayari sa pagitan ng Mindanao at Indonesia na hindi namomonitor ng mga awtoridad dahil nga sa kakulangan ng kagamitan at equipment. Kaya nga ito rin ang paraang ginagamit ng Islamic militants sa pagpasok sa Mindanao mula sa Indonesia at maging sa Malaysia.
Ang paghingi ng DND ng karagdagang budget ay nagkataon na nasa kalagitnaan ng deployment ng isang malaking unit ng elite na United States Navy SEALS sa Bato-Bato Island, Tawi-Tawi.
Sinasabi na ang Amerika ay nagbigay ng $15.5 million para sa paglagay ng radio communication systems sa tatlong remote islands sa Mindanao at sinasabing isa na nito ay ang Bato-Bato Island.
Maliban pa sa United States, ang Australia ay tumutulong din sa paglagay ng maritime surveillance system sa katimogan upang pigilan ang mga Muslim militants na gamitin ang napakalawak na maritime borders natin para makapasok sa Mindanao.
Ang Bato-Bato Island ay nasa pinakadulo ng southwestern part ng ating bansa na mas malapit pa nga sa Sandakan, sa East Malaysian state ng Sabah. Tumatagal lang ng isang oras ang biyahe ng mga passenger boats sa pagitan ng Bongao at Sandakan habang umaabot naman ng 18 hours ang paglakbay patungong Zamboanga City.
At sa palibot na karagatan ng Tawi-Tawi ay dumadaan ang may higit isang daang foreign cargo vessels araw-araw patungo sa kanya-kanyang destinasyon.
Ayon nga sa mga taga-Tawi-Tawi ang mga US Navy SEALs ay minsan napadako sa bayan ng Bongao ngunit sila ay bumabalik sa Bato-Bato kahit man sa kailaliman ng gabi dahil nga sa mga moderno nilang mga sasakyang pandagat maging ang kanilang mga armas.
Hindi maikaila ang presensya ng mga Kano sa Tawi-Tawi. Ang United States Agency for International Development (USAID) sa pamagitan ng Growth with Equity for Mindanao (GEM) ang siyang nagbigay ng karagdagang pondo para sa katatapos lang na widening project at pagpahaba ng Sanga-Sanga airport sa Tawi-Tawi. Puwede nang gamitin ngayon ng mga malalaking eroplano ang nasabing airport.
Maging ang mga daan at tulay, mga silid-paaralan, fish landing, water system, abalone at seaweed production, at kung ano pa man ay pinasukan na rin ng mga Kano sa ngalan ng pagtulong sa ating higit kalahating milyong kababayan sa Tawi-Tawi.
At habang sinasagawa ng mga Kano ang nasabing mga proyekto sa iba’t ibang bahagi ng Tawi-Tawi, patuloy naman na sumisisid ang mga US Navy SEALS sa ating karagatan.