ISANG Marinong trainee ang nahuli habang minaman- manan at kinukuhanan ng litrato ang tahanan ni Bienvenido Lumbera, isang National Artist. Ang dalawang kasama nung Marino ay nakaalis bago mahuli ng mga guwardiya ng Mapayapa Village. Napansin ng mga katulong ang tatlong lalaki habang kinukunan ang tahanan ni Lumbera, na nataon naman na miyembro rin ng Bayan, Alliance of Concerned Teachers (ACT) at Concerned Artists of the Philippines, pawang mga grupo na madalas makipagsapalaran sa gob-yerno. Ayon sa Navy, isang training mission ang ginampanan ni Cpl. Hannibal Guerrero, pati nung dalawang kasama na nakatakas. Humingi ng paumanhin ang Navy kay Lumbera kung nabulabog ng mga tauhan nila ang tahanan nung Natio- nal Artist.
Training mission. Ito ang opisyal na paliwanag sa insidenteng ito. At hindi naman daw sinadyang piliin ang tahanan ni Lumbera, nataon lang daw. Kasama raw ito sa pagsasanay ng intelligence branch ng Navy. Kaya sa kaso ni Guerrero, mukhang bagsak siya dahil nahuli pa ng “kalaban”. Pero bakit naman sa mga sibilyan na walang kamuwang-muwang ang ginagawang mga “target”? Paano pala kung praning ang maybahay at pinagbabaril ang mga trainee? Dapat namang ipaalam sa maybahay ang plano, nang hindi naman matakot at mag-panic! Natural, ang diskusyong ito ay kung totoong training mission lang ang nangyari.
Kung ganun, may katotohanan ba na ang training ng ilang sundalo ay mangholdap ng bangko? Na kapag matagumpay ay pasado na sa kurso? Paano pala ang perang nakuha? Ibabalik ba? Paano kung may nagbarilan? Sorry na lang? Matagal ko nang narinig ang kwentong ito, pero hindi ko binigyan ng pansin hanggang ngayon, dahil sa insidente sa bahay ni Lumbera.
Hindi puwedeng ibale-wala na lang ang insidenteng ito. Paano pala kung hindi nga training at nahuli na lang talaga? Kahit sino ay pwedeng maging target ng ganitong paglalabag sa karapatang pantao.
Walang karapatan ang anumang ahensiya ng gobyerno na gamitin ang ordinaryong mamamayan sa isang pagsa-sanay nang walang pahintulot, lalo pa kung sundalo, pulis o bodyguard ang mga trainee!