MAGMULA nang sinimulan na ang pagsubasta sa magpapatakbo ng poll automation sa 2010, napakarami na ang nangyari para hindi ito matuloy. Nandyan ang pagtanggal ng halos lahat ng sumusubasta dahil hindi kuwalipikado. Nung pinagaan ng bahagya ang mga pangangailangan, may nagwagi sa subasta. Pero nag-away naman ang mga mag-partner sa negosyo, at nameligro muli ang automation. Nagkasundo sila. Umusok naman ang makina na gagamitin sa automation, kaya pinainspeksyon lahat at baka sa bilangan pa masunog! Naayos ito. Mga usapin na baka lagyan ng virus ang programa sa pagbilang ng mga boto naging matunog din. Ngayon, kuryente naman ang pinag-uusapan, o ang posibleng pagkawala ng kuryente sa 2010!
Ito ang pinahayag ni DOE Sec. Angelo Reyes, na malaki ang posibilidad na mauubusan ng kuryente sa 2010, kaya kailangang bigyan ng emergency powers si President Arroyo para malutas ang problema. At kailan naman kaya sa 2010 mauubos na ang kuryente? Kung gusto mo nga namang isabotahe ang poll automation, ang kailangan mo lang gawin ay patayin ang kuryente! At paano naman nasabi na mauubos na nga ang kuryente sa darating na panahon? Manghuhula na ba siya at kaya niyang tumingin sa darating na anim na buwan? Ano ang basehan niya para sabihin iyon? At higit sa lahat, bakit ang pagbibigay ng emergency powers kay Arroyo ang nakikita niyang solusyon?
Parang isa na namang pagkakataon ito para mawalang-bisa ang eleksyon. At kapag wala nang bisa ang eleksyon, sino ang makikinabang nang husto, lalo na kung may emergency powers pa? Nakikita na natin kung bakit hindi mabitaw-bitawan ni GMA si Reyes. Nakakailang silya na rin ang inupuan, sa kanyang rigodon sa Gabinete. Sundalong tapat sa kanyang Commander-in-Chief! Kaduda-duda ang pahayag na ito ni Reyes. Malayo pa ang tinutukoy niyang panahon, pero tila alam na ang mangyayari. Kaya dahil dito, kailangan mas lalong maging mapagbantay ang mamamayan. Kahit sa huling-huling sandali, nandyan pa rin ang mga kilos para manatili sa kapangyarihan si Arroyo, pati na rin si Reyes!