WITH a few remaining months ng administrasyong Arroyo, work to death ang Presidential Anti-Graft Commission (PAGC) sa gawaing sugpuin ang katiwalian sa pamahalaan.
Mahirap na gawain iyan Secretary Constancia de Guzman kaya I wish you all the best para ma-accomplish ng ahensya ang layunin bago mamaalam si Presidente Arroyo sa 2010. Since time immemorial ay naririyan ang korupsyon. Mukha ngang lalung sumasahol paglipas ng panahon. Hindi lang ang kondisyon sa Pilipinas ang tinutukoy ko kundi sa buong daigdig. Pero kung may political will, at lideratong may good moral standing, ito’y puwedeng bawasan.
Kahit anong sistema ang ipatupad ay malamang mabigo kung walang moral renewal ang mga indibidwal na bumubuo sa pamahalaan. Ito’y hindi lamang sa mga matataas na opisyal kundi pati na ang mga ordinaryong kawani.
Sa kasalukuyang administrasyon, may mahigit sa 200 ahensya, korporasyon at mga institusyong pinansyal ang masigasig na magpapatupad ng kani-kanilang moral renewal action plans (MRAPs) upang mapatatag ang kakayahan na labanan ang kurapsyon bago matapos ang termino ni Pangulong Arroyo sa susunod na taon.
Ito’y ayon kay Secretary de Guzman, pinuno ng Presidential Anti-Graft Commission (PAGC). Ang IDAP ay kinapapalooban ng 22 pamamaraan ng paglaban sa kurapsyon na nahahati sa apat na larangan ng implementasyon – prebensyon, edukasyon, pag-usig, at pakikipagtulungan.
Ang moral renewal policy ay ang pinakahuli ngunit pinakaimportanteng bahagi ng anim na taong kampanya ni Pangulong Arroyo laban sa kurapsyon. Ang kampanyang ito ay agad niyang sinimulan matapos siyang mahalal na pangulo noong 2004, kung kailan nabuo ang IDAP mula sa isang multisectoral workshop na isinagawa ng PAGC ani De Guzman.
Ngayong ilang buwan na lang ang ipamamalagi ng adminstrasyong Arroyo, dapat na ring silipin ng mga prospective presidential bets ang programa at ikonsidera. Kung possible, repormahin pa para hindi maputol ang mabuting layunin nito sakali mang magkaroon ng pagbabago sa administrasyon.
Ang PAGC ang nagbibigay ng tulong na propesyonal at teknikal sa mga ahensya ng pamahalaan para sa pagsugpo sa kurapsyon. Sa larangang ito nagiging ka-partner ng PAGC ang iba’t-ibang ahensya ng gobyerno, subalit sa paraang boluntaryo lamang. Ang mga partner-agencies ng PAGC ay umabot sa bilang na 172 noong Agosto 2009.