MAMAYANG gabi, ganap nang lalaya si Bro. Eddie Villanueva sa lahat ng kanyang pananagutan sa simbahan bilang pastor. Ito’y gaganapin sa San Juan Arena kaugnay ng isang Hebrew festival na “Feast of the Trumpets” na ipinagdiriwang hindi lang ng mga Jews kundi ng ibang mga Kristiyano na kumikilala sa relasyon ng Kristiyanismo sa Hudaismo.
Nagbakasyon si Bro. Eddie sa kanyang pastoral duties simula nang pamunuan niya ang Bagong Pilipinas, Bagong Pilipino Movement na ang adbokasya ay righteous governance o matuwid na pamamahala. Mamayang gabi ay pormal nang idedeklara ng mga church members and pag-aalis pansamantala sa balikat ni Bro. Eddie sa mga responsibilidad niya sa simbahan to pursue another calling.
Bukod diyan babasbasan ng mga church members si Bro. Eddie kaugnay ng kanyang pagtakbo bilang Pangulo sa 2010. Puro higante sa pulitika ang magiging katunggali ni Bro. Eddie ngunit hindi siya natitinag sa kanyang planong pagtakbo.
Mistula siyang munting “David” na nakikibaka sa dambuhalang “Goliath.”
Siguro’y may ibang kukutya sa kanya pero hindi lamang pagwawagi ang layunin ng isang persistent alternative candidate na katulad niya. Ito ay ang pagpapahayag ng mensaheng dapat nang magkaisa ang sambayanan para magkaroon ng tunay na reporma sa sistema ng pamahalaan at mapuksa na ang talamak na graft and corruption na umiiral sa bansa sa matagal na panahon.