SI Bro. Eddie Villanueva ng Bangon Pilipinas mismo ang nagsabing mabuting bigyan ang taumbayan ng malawak na mapagpipilian sa 2010 presidential polls.
Ngayon pa lang ay naririnig na natin ang sari-saring tambalan sa pagka-pangulo at pangalawang pangulo. Sabi nina dating President Joseph Estrada at Vice President Noli de Castro “the more the merrier.” Ngunit seryosong bagay ito at hindi pampasaya kundi para magkaroon ng tsansa ang taumbayan na makilatis ang bawat kandidato at mas maraming mapagpipilian. Mayroon ngang lumulutang na hindi pa kilala ng maraming Pilipino. “Go” lang basta’t maganda ang layunin n’yo (at siyempre, kung kaya ninyong mag-finance ng kampanya).
Kritikal kasi ang situwasyon sa bansa: Sa pananalapi, kakulangan ng trabaho, peace and order at katiwalian sa gobyerno. Ang nagpapagulo lalu sa situwasyon ay ang mga informercials ng mga politiko na nakakairita na sa mamamayan. Parang tunggalian ng mga may pera. Kung wala kang perang pambayad sa infomercial, magdusa ka o umatras ka na lang sa ambisyong maging Pangulo.
Marami nang kombinasyon ang lumulutang gaya nina Villar-Escudero, Erap-Loren, de Castro-Puno at Noynoy-Mar.
Pero heto ang kakaibang tandem na maugong na pinag-uusapan ngayon: Gordon-MVP team. Si MVP ay ang bantog na negosyanteng si Manny V. Pangilinan. Napangiti ang barbero kong si Mang Gustin dahil boto raw siya sa tambalang ito.
Si Gordon aniya ay batikan sa public service na naging alkalde, assemblyman, cabinet official at senador. At si Manny Pangilinan naman ay di matatawaran ang kakayahan sa business at malaki ang maiaambag sa pagpapasigla ng ekonomiya ng bansa. At kagaya ni Sen. Dick Gordon, wala ring batik o kontrobersyang bumabalot sa pagka-tao.
Sa ganang akin, basta’t may mabuting adhikain at sinserong intensyong maglingkod, dapat lumarga sa eleksyon. Kilala man o hindi masyadong kilala. Tingnan niyo sa Amerika. Sino ang mag-aakalang lulusot ang isang Barack Obama na ilang buwan bago mag-eleksyon ay hindi kilala ng maraming Kano?
Ang mahalaga’y magkaroon ng point of comparison ang mga mamboboto at magkaroon ng malawak na pagpipilian. At harinawang mabura na ang kultura ng pandaraya sa ating bansa para makaseguro na yaong mga tunay at tapat ang maipupuwesto sa pamahalaan.