Pulisya ng Marikina, kulelat na
KUNG palaging nakangiti noon si Marikina City Mayor Maria Lourdes Fernando dahil sa accomplishment ng pulisya niya, tiyak sa ngayon hindi na.
Kasi nga kung ang pulisya ng Marikina City ay palaging napipiling best-best sa bansa noon, sa ngayon kulelat na sila. Naglabas kasi ng overall rating sa performance ng pulisya ang Eastern Police District (EPD) kamakailan at ang Marikina City ay pangatlo na lang sa best-best kung saan dinomina nila noong nakaraang mga taon. Ayon kay EPD director Chief Supt. Benjardi Mantele, ang rating ng Marikina City police ay 89.88. Natabunan ang pulisya ni Fernando ng San Juan City police na may rating na 94.81 at ng Mandaluyong City police na may rating na 94.31. At dahil kulelat na ang kapulisan nila, tiyak makaapekto ito sa kandidatura ni MMDA chairman Bayani Fernando. Kung hindi maayos ng mag-asawang Fernando ang takbo ng kapulisan nila, paano kung manalo si BF na presidente ng bansa? Di hindi rin niya maaayos ang PNP, di ba mga suki? Kung ano ang puno siya ang bunga.
Ang Marikina City police ang model police station ng PNP. At kung paurong ang pamamahala ni Sr. Supt. Romeo Magsalos sa pulisya, bakit nandiyan pa siya? Paano kasi, inuuna ni Magsalos ang pagkakitaan tulad ng video karera ni Paeng Palma na hindi niya matalikuran. Sa totoo lang, mula nang banatan ko ang video karera ni Palma, nagpakitang-gilas si Magsalos at winasak ang dalawang makina sa mismo harapan ng police headquarters. Subalit ‘yaon pala ay moro-moro lang. Dahil pagkalipas ng ilang oras, balik na naman ang makina ni Palma na ang operation ay mula 10:00 ng gabi hanggang 7:00 ng umaga para hindi maka-intelihensiya sa mga national operating unit ng PNP. Para patunayan ko sa ‘yo na laganap ang makina sa kaharian mo Mayor Fernando, pumunta ka sa 490 Villalon St., sa Bgy. Sto. Niño sa bahay ni Joel Arrisga at tatlo ang makina roon, at sa bahay naman ni alyas Benjie sa 56 Tayug St., sa Bgy. Calumpang na malapit sa bahay ni Vice Mayor Marion Andres ay may dalawa namang makina. Teka nga pala, si Gen. Mantele kaya, me bayag ding wasakin ang makina ni Palma? Kung wala pa siyang intelihensiya?
Dahil sa mahinang performance ni Magsalos dapat lang na sibakin siya. Ang reklamo ng mga empleado ng City Hall at maging ng mga diyarista, wala palagi si Sir sa opisina niya. Baka sa PMO sa Camp Crame? Kung ano ang pinag-isipan niya sa PMO mukhang hindi pinapraktis ni Magsalos, di ba NCRPO chief Dir. Boysie Rosales Sir? Bulsa muna kaysa trabaho. Baliktad ‘ata ito sa transformation program ni Dep. Dir. Gen. Edong Acuna ah.
May balita pa na nilalakad ni Magsalos na maging hepe ng Rizal PNP. Aba, sa Marikina pa lang palpak na siya sa Rizal pa kaya? Ginawa lang palang stepping stone ni Magsalos ang siyudad ni Fernando.
At ang tumutunog na pangalan sa ngayon bilang pamalit ke Magsalos ay si Sr. Supt. Pablo Balagtas, ang hepe ng DMG ng MPD. Teka nga pala Sir Balagtas, nagtatanong ang mga tauhan mo kung saan napupunta ang P200 na allowance nila kapag nag-escort sila ng mga tauhan ng Meralco. Abangan!
- Latest
- Trending