LAMPAS isang dosenang eroplano ang hindi nakaalis sa NAIA nang halos dalawang oras dahil sa nasirang radar. May nakitang usok na lumalabas mula sa kagamitan na nagbabantay sa mga eroplano. Kaya tinigil na muna ang pag-alis at pag-landing ng lahat ng eroplano. Siniguradong maayos ang kagamitan bago pinagpatuloy ang operasyon sa airport. Mabuti na ang sigurado. Mahalaga ang radar sa isang airport para mabantayan lahat ng lumalabas at pumapasok na eroplano, nang hindi magbanggaan! May mga okasyon sa nakaraan na nagkatamaan ang ilang eroplano sa ere, dahil sa sirang radar.
Ayon sa tagapagsalita ng Civil Aviation Authority of the Philippines(CAAP), dahil sa tuluy-tuloy na pag-ulan na nagdudulot ng pabagu-bagong lakas ng kuryente, bumigay iyong mga gamit na nagbibigay ng walang putol na kuryente sa mga gamit, kaya tuluyang namatay. Sampung taon lang pala dapat ang buhay ng mga kagamitan sa airport. Noong 1996 nakuha ang kasalukuyang gamit, kaya noong 2006 ay dapat napalitan na ito. Inaprubahan na yung budget para mapalitan ng bagong kagamitan sa airport noong 2005 pa. Pero wala pa rin yung bagong kagamitan! Ano na naman ang dahilan kung bakit hindi pa mabili ang gamit kung aprubado na ang budget? Nalihis na naman ba sa ibang ahensiya, proyekto o tao? Sabi nung tagapagsalita, mga 2012 mapapalitan ng bagong gamit ang airport!
Dapat magsilbi na itong senyales na dapat palitan na kaagad ang kagamitan sa airport, lalo na ang radar. Luma na pala ang kagamitan at pinipilit na lang gamitin nang gamitin. Nabigyan na rin dati ng mababang grado ang airport dahil sa kalumaan ng gamit. Siguradong apektado na naman ang grado ng airport dahil sa nangyari. Sa insidenteng ito, baka lalo pang makasama sa imahe ng airport. Malaking bagay ang airport sa turista, dahil ito ang unang-una niyang nakikita kung saan makakagawa na ng opinyon ukol sa bansa. Huwag nang hintayin na may mangyari pang masama bago palitan ang gamit, katulad sa mga nagaganap na aksidente sa karagatan! May kasabihan na ang isang guhit ng paghahanda ay mas mabuti kaysa sa isang kilong solusyon. Hindi na dapat maghintay pa ng masamang pangyayari, bago maisip palitan ang mga lumang kagamitan!