Si Mikey at ang maruming pera
MAY kasabihan na dalawang uri raw ang pera. May pera raw na “smiling money” na ang ibig sabihin ay pera na natanggap sa matinong paraan, kung saan walang sama sa loob ang nagbigay dahil masaya naman siya sa sapat na produkto o di kaya serbisyo na nakuha nila. Sa kabilang panig, may pera raw na “crying money” na ang ibig sabihin ay pera na sapilitan ang pagkakuha, at maari pang masama ang loob ng nagbigay. Ano kaya ang pera na ibinigay kay Mikey na ipinambili ng bahay sa America ? Smiling money o crying money?
Sa usapan ng money, hindi ba may batas na Anti-Money Laundering Act (AMLA) kung saan mahigpit na ipinagbabawal ang paglipat ng pera mula sa Pilipinas papunta sa America at iba pang bayan kung walang wastong pahintulot? Sa pagkaalam ko, may limit na $10,000 ang maaring dalhin ng isang pasahero, at ito ay kailangang madeklara sa port of entry. Paano kaya nailabas ni Mikey ang milyong dollars kung may limit ang paglabas nito?
Possible na dahil sa pagiging Presidential Son ni Mi-key, siya ay may diplomatic passport at maaring ginamit niya ang kanyang diplomatic immunity upang mailusot ang mga dala-dala niyang dollars na sobra sa limit. Kung ganito nga ang nangyari, lalabas na smuggler si Mikey sa pananaw ng gobyerno ng America. Sa pananaw na-man ng gobyerno ng Pilipinas, sino ba ang maglalakas-loob na magbukas ng bagahe ng presidential son?
Ano man ang ginamit ni Mikey upang mailabas ang pera papunta sa America, dapat lang mag-imbestiga na ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) kahit si Mikey ay isang presidential son pa at kahit congressman pa man din.
Ang sabi ni Mikey, may karapatan naman daw siya na magkaroon ng malaking pera, dahil mayaman naman daw ang mga magulang niya. Ganoon pa man, wala siyang karapatan na lumabag sa AMLA kahit sino pa siya.
Ano kaya ang sasabihin ng AMLC sa isyu na ito? Mabuti na lang, hindi si Merceditas Gutierrez ang hepe ng AMLC, otherwise lalabas na naman na wala siyang makikitang evidence, at lalabas na naman na walang sala si Mikey kahit napakalinaw na ng katibayan.
Samantala, iba na talaga ang panahon ngayon, dahil mismong mga Pilipino na nakatira na sa America ay hindi na masikmura ang pag-abuso ng mga Arroyo, kaya nila nilusob ang bahay ni Mikey doon. Hindi pa kaya nakakahalata ang mga Arroyo na ayaw na sa kanila ng nakakaraming Pilipino?
- Latest
- Trending