NAGPUPUYOS sa galit si DILG Sec. Ronaldo Puno. Nakarating sa atensiyon niya na me gumagamit ng pangalan niya sa mga negosyante. Ang ibig kong sabihin, me komukolekta ng pera sa mga negosyante para sa kandidatura ni Puno sa darating na elections. Nag-anunsiyo na si Puno na tatakbo siya bilang bise presidente at mukhang me gumagamit ng isyung ito para kumita. Kaya nananawagan si Puno na wala siyang binigyan ng basbas para mango-lekta ng pondo para sa kanyang kandidatura. Period!
Kaya inutos ni Puno kay CIDG chief Director Raul Castañeda na hanapin at arestuhin si alyas Atayde na bukambibig ang pangalan niya kahit sinong kausap na negosyante. Ang pagpaaresto niya kay Atayde ay nangangahulugan lang na wala talagang basbas ni Puno ang koleksiyon ng pondo para sa elections. Sa ngayon kasi, ang mga tauhan ni Castañeda ay dumadalaw na sa mga lugar kung saan palaging nakikita si Atayde, lalo na sa Pan Pacific hotel sa Maynila. Kung sabagay, hindi ko pa batid kung totoo bang nangolekta siya ng pondo para sa kandidatura ni Puno. Subalit open ang linya sa panig niya.
Baka biktima lang ng inggit si Atayde. Tuwing political season, ang paboritong hobby ng mga Pinoy ay TSISMIS!
Napag-usapan na rin lang ang pulitika, mukhang pursigido na si Puno na tumakbo bilang bise presidente. At ang isang palatandaan ay ang infomercial niya kung saan ang tema ay “kung ano ang Puno siya ring bunga” na hindi niya inaalis sa kahit nagbubunganga si Sen. Miriam Santiago. Tuluy-tuloy na ang pagtakbo ni Puno, ito ang usap-usapan maging sa kampo nina Castaneda at NCRPO chief Dir. Roberto Rosales. Aba, sa magandang credentials niya, puwede na si Puno bilang vice president. Sinu-sino ba ang magiging katunggali ni Puno sa opposition? Si Sen. Chiz Escudero ba na wala namang batas na ipinasa? Sa totoo lang si Escudero ay panay react lang sa mga isyung lumalabas sa diyaryo, TV at radyo. Subalit tanungin n’yo kung ano ang solution sa mga problema ng bansa at wala siyang maisagot.
Sa ganang akin naman, tama lang na ipaaresto ni Puno si Atayde para linisin ang kapaligiran niya bago ituon ang panahon sa kampanya. Hindi kasi maganda na ibang imahe ang gustong palabasin ng mga media handlers niya at itong isyu ni Atayde ay palaging naka dikit sa kanya. ‘Ika nga, walang maitutulong na maganda ang report tungkol kay Atayde sa political ambition ni Puno. Abangan!