Nagkaroon ng mga rural micro projects sa limang probinsiya ng Cordillera (CECAP) alinsunod sa kasunduan ng gobyerno ng Pilipinas at ng European Communities na ipinatupad ng Department of Agriculture (DA). Kinuha ng DA ang Travers Morgan Internal Ltd. (TMI) upang magbigay ng teknikal na tulong. Ang ginawa naman ng TMI ay makipagkasundo sa SGV upang gawin nito ang bahagi ng serbisyong kailangan ng CECAP. Nagprisinta ang SGV ng mga kukunin na consultants.
Ang pagtanggap at pagtatalaga ng mga consultants ay kailangan na aprubado ng TMI, DA at Komisyon. Sa trabaho ng sociologist, si Larry ang nirekomenda ng SGV. Hindi kumbinsido sa kanyang kakayahan ang DA at imbes ay si Carla ang gustong kunin. Kinunsidera ng TMI si Carla. Nagboluntaryo ang DA na tatawagan si Carla at sasabihan tungkol sa posibleng pagkuha sa kanya sa CECAP. Nang aprubahan ng Komisyon at ng DA ang kanyang nominasyon, agad na rin nagkasundo sa petsa ng umpisa ng kanyang trabaho.
Tinanggap ni Carla ang naturang trabaho ngunit nakiusap na tatapusin muna niya ang nakabinbing trabaho sa Thailand. Sa kasunduan nila, babayaran si Carla ng retainer fees ng SGV para sa bawat araw ng matatapos niyang trabaho. Ang ibabayad sa kanya ng SGV ay manggagaling din sa kabuuan ng ibabayad ng TMI sa kompanya. Makatatanggap din si Carla ng housing allowance, subsistence allowance at medical insurance. Ayon sa kasunduan, maaari lamang tanggalin ng SGV si Carla kung tapos na ang kontrata ng DA at TMI o kung tatapusin na ng TMI ang kontrata nito sa SGV. Kung sakali naman at si Carla ang aalis sa proyekto para sa anumang kadahilanan maliban na hindi na sakop ng kanyang kaka yahan, magbabayad siya ng danyos. Ayon din sa kasunduan, kailangang gumawa siya ng tamang time record, ipaalam sa SGV ang anumang sanhi ng pagtatagal ng trabaho, gumawa ng mga ulat at humingi ng permiso bago umalis sa trabaho.
Habang may CECAP, nakatanggap ng sari-saring reklamo ang TMI tungkol sa trabaho ni Carla at sa pakikitu-ngo niya sa mga kasamahan sa proyekto. Matapos mag-imbestiga, sumang-ayon ang TMI sa obserbasyon ng mga kasamahan ni Carla. Hindi magiging maganda ang kalalabasan ng proyekto dahil mahirap siyang pakibagayan. Inutos ng TMI sa SGV na tanggalin na lang sa proyekto si Carla.
Sumunod naman ang SGV at tinanggal sa proyekto si Carla. Nagreklamo sa NLRC ang babae. Illegal dismissal daw ang ginawa ng SGV. Humihingi rin siya ng danyos. Ayon naman sa SGV wala silang kinalaman kay Carla dahil hindi nila ito empleyado. Tama ba ang SGV?
TAMA. Bago makasuhan ng illegal dismissal, kailangan patunayan muna na may employer-employee relationship ang mga sangkot sa kaso. Kailangan na ang kompanya ang 1) pumili at kumuha ng empleyado, 2) nagbabayad ng suweldo, 3) may karapatan na tumanggal sa kanya sa trabaho at 4) ang kompanya ang nasusunod sa paraan ng pagtatrabaho ng empleyado o ang tinatawag sa ingles na “control test”.
Sa kasong ito, malinaw na walang employer-employee relationship na namamagitan kay Carla at sa SGV. Maitutu ring na isang independent contractor si Carla na kinuha ng SGV upang magbigay ng serbisyo sa kliyente nitong TMI at tuloy, sa DA at CECAP. Si Carla ay hindi katulad ng isang ordinaryong empleya- do dahil ang natatanggap niya ay hindi suweldo kundi retainer fees. Mayroon pa siyang mga benepisyong tulad ng housing allowance, subsistence allowance at medical insurance. Ang serbisyo niya ay matatapos lamang kapag natapos na ang kontrata sa pagitan ng TMI at DA at hindi base sa ating labor laws. Sa kasong ito, kahit hindi pa tapos ang proyekto, tinanggal siya dahil na rin sa utos ng TMI. Hindi SGV ang nasunod sa nangyari. Wala naman itong pakialam sa paraan niya ng pagtatrabaho. Hindi siya inuutusan o dinidiktahan ng SGV. Tanging importante sa SGV ay masunod ang mga kondisyo- nes sa kontrata nito sa TMI. Dahil walang relasyon ang dalawa, hindi maaaring panagutin ng illegal dismissal ang SGV. Wala rin basehan upang magbayad ito ng danyos kay Carla (Sycip, Gorres, Velayo & Co., vs. De Raedt, G.R. 161366, June 16, 2009).