Huwag pagtakpan ang katiwalian
NAGPATUPAD ang tanggapan ng Ombudsman ng mga istriktong patakaran bago mailantad sa publiko ang mga statement of assets, liabilities and net worth ng mga public officials. Sigaw ng barbero kong si Mang Gustin: BAKEET?
Demokrasya tayo at dapat makita at makilatis ng taumayan ang ari-arian ng mga opisyal ng pamahalaan para tiyaking hindi sila gumagawa ng katiwalian.
Sabi nga ni Bro. Eddie Villanueva ng Bagong Pilipinas, Bagong Pilipino Movement, ito ay isang “distorted im-pression of transparency and accountability”.
Kung tutuusin nga, dapat bigyan ng malayang access ang mamamayan para masilip ang record ng ari-arian ng mga public officials. Transparency is the name of the game. Kung walang transparency, hindi malayong matukso ang sino mang nasa posisyon na magpataba ng bulsa sa gitna ng paghihirap ng maraming mamamayan. Ayaw kong isipin na gustong pagtakpan ng Ombudsman ang katiwalian ng mga matataas na pinuno ng pamahalaan. Salungat iyan sa mandato nito na magsilbing tanod ng bayan laban sa mga magnanakaw na opisyal ng gobyerno.
Kaugnay nito, nanawagan si Villanueva, sa Kongreso na madaliin ang pagpasa ng bill para mabigyang laya ang mamamayan sa lahat ng public documents, pati na sa mga statements of assets and liabilities ng mga public officials.
Ani Bro. Eddie “Free access to public documents, including the SALN of every public official, ensures transparency in the government.” Ngunit ang panukalang batas na ito ay nakabitin sapul pa noong 1992. Wow 17 years na?! Proposed bill ito ng party list na CIBAK na ang kinatawan ngayon ay ang anak ni Bro. Eddie na si Rep. Joel Villanueva.
Palagay ko, kahit hindi anak ni Bro. Eddie si Joel ay maha lagang maisabatas ang panukalang ito kung talagang seryoso ang gobyerno na puksain ang corruption. Iyan naman ang hangad ng bawat Pilipinong, may malasakit sa bayan hindi ba? Afterall, sino ba ang nape-perhuwisyo kundi ang mga mamamayang nagbabayad ng buwis? Maaaring hindi ito siyento-porsiyentong lulutas sa problema pero at least malaki ang maitutulong nito sa pagbawas sa kaso ng mga pangungurakot ng mga matataas na opisyal ng gobyerno.
- Latest
- Trending