Kasunduang pantay?
ISANG kriminal na sangkot sa isang karima-rimarim na krimen sa Cebu ang mukhang mabibigyan ng mas magandang panahon sa natitirang taon ng kanyang sentensiya. Inaprubahan ng DOJ ang paglipat kay Paco Larrañaga sa kulungan sa Spain. Si Larranaga ang isa sa mga kumidnap, gumahasa at pumatay sa magkapatid na Chiong sa Cebu noong 1997. May kasunduan umano ang bansang Pilipinas at Spain na puwedeng ilipat ang bilanggo sa bansa ng kanyang pagkamamamayan, kapag nakapasa sa mga kondisyon na nilalaman ng kasunduan. Pasado umano si Larrañaga sa mga kondisyon, kaya pinayagan na ng DOJ ang paglipat. Siguradong mas maganda ang kulungan sa Spain kaya nila hiniling ang paglipat. Tandaan na si Paco ay apo sa tuhod ni dating President Sergio Osmeña Sr., kaya mayaman at maimpluwensiya ang pamilya nito. Hinog na hinog nga ang usapin na may kinalaman ang Palasyo sa paglipat sa manggagahasang taga-Cebu, at malakas ang impluwensiya ng pamilyang Osmeña at Larrañaga sa bansang paglilipatan. Paano naman natin malalaman kung palayain na lang ang rapist pagdating sa Spain?
Natural, todo tanggi ang tagapagsalita at tagapagtanggol ni President Arroyo na si Remonde, at siyempre, mga pahayag na “magtiis na lang tayong lahat” mula kay dating Justice Secretary Raul Gonzales. May kasunduang dapat patuparin, giit ni Gonzales. Kaya ang tanong, sino ang nagpanukala ng kasunduan, na inaprubahan ng Senado? At bakit wala tayong ganyang kasunduan sa US, o sa Saudi kung saan maraming Pilipino ang nakukulong sa iba’t ibang krimen? Bakit sa Spain? Marami bang kriminal na Kastila sa Pilipinas ang nakakulong?
Kawawa naman daw ang bilanggong manggagahasa na si Paco sa kulungan sa Cebu. Masama raw ang kondisyon, kaya sa Spain na lang daw. Pero nung makita ko ang kanyang larawan habang bumababa mula sa isang bus, eh parang hindi man lang nabawasan ang kanyang timbang! Malaki pa rin siya, kaya ibig sabihin, nakakakain pa rin nang marami, at baka masarap pa sa loob ng 12 taon niyang pagkakabilanggo! At bakit ba dapat kumportable ang bilangguan? Mabuti nga mga iyan, may mga bubong sa ibabaw ng mga ulo nila at tatlong beses kumakain ng libre araw-araw! Pag dating sa Spain, baka puro chorizo, paella at cuchinillo pa ang makakain! Panghimagas pa na churros siguro! Samantalang maraming taong-grasa sa siyudad na wala namang ginawang krimen pero napakahirap at masaklap ang buhay. Kaya pwede ba, hindi ko tatanggapin ang dahilan na masama ang kondisyon ng mga preso rito!
Naniniwala ako na kailangang pag-aralan ang kasunduang ito. Dapat para sa mga mas simpleng krimen lang ang sakop ng kasunduan, at hindi mga kasuklam-suklam. Sa nakaraang taon, tila mas mahalaga ang karapatan ng mga bilanggo kaysa sa mga biktima at kanilang kapamilya. Napakasarap naman maging kriminal sa ilalim ng administrasyong Arroyo, at siguradong iikli ang iyong sentensiya, kahit gaano pa kasama ang iyong krimen, at ipagtatanggol ka pa ng mga abogado katulad ni Devenadera at Gonzales!
- Latest
- Trending