Tungkulin ni GMA ipahabla si Abalos
UULITIN ko: Pakatandaan ang anim na Ombudsman fact-finders sa ZTE scam: Orlando Casimiro, Emilio Gonzales III, Robert Kallos, Rodolfo Elman, Cesar Asuncion at Jesus Micael. Dahil sa pagbaluktot nila sa batas, bababa sila sa kasaysayan kasama sina Garcillano, Bedol at Bolante.
Inabsuwelto nila si Gloria Macapagal Arroyo. Ito ay sa kabila ng testimonya ni dating-economic secretary Romy Neri na sinumbong niya kay Arroyo ang P200-milyong alok ni Comelec chairman Ben Abalos para isulong sa NEDA ang project. Sa ulat mismo ng anim na fac-finders, imbis na masuklam si Arroyo, pinayuhan lang si Neri na tanggihan ang suhol, pero ipa-aproba pa rin ang ZTE deal sa NEDA.
Sa ilalim ng Konstitusyon (Article VII, Sec. 17) sumumpa si Arroyo ipatupad lahat ng batas. Kabilang dito ang Anti-Graft & Corrupt Practices Act at ang probisyon kontra panunuhol sa Revised Penal Code. Tungkulin ni Arroyo ipaimbestiga si Abalos batay sa sumbong ni Neri. Dahil hindi niya ito ihinabla, maaring managot si Arroyo sa Article 211-A ng Revised Penal Code, at betrayal of public trust na impeachable offense.
Nakabibingi ang marahang reaksiyon ni Arroyo sa sumbong ni Neri, at ang kawalan ng kilos kontra kay Abalos. Batid niyang may P200 milyon alok kay Neri pa lang (hindi pa kasama ang $10 milyon kay Joey de Venecia para umatras sa NBN project). Dapat naisip niyang popondohan ang suhol na iyon sa pamamagitan ng overpricing ng ZTE contract. Pero ipinilit pa rin niya sa NEDA ang proyektong alam niyang overpriced.
Pinirmahan ng DOTC ang proyekto nang $329 milyon. Ayon mismo sa Ombudsman report, inaprubahan ng NEDA ang halagang $323 milyon. Bakit may labis na $14 milyon? Ito ba’y para isingit ang suhol na P200 milyon ($4 milyon) kay Neri at $10 milyon kay Joey? At paano sina Abalos at ang First Couple? Batay din sa Ombudsman report, $262 milyon lang ang unang price, kaya may $67 milyon (P3 bilyon) labis sa $329 milyon. Halatang may interes si Arroyo sa kontrata kaya ipinilit ito sa NEDA.
- Latest
- Trending