Bingi-bingihan at pipi-pipihan
ANG magsalita at makinig ay malaking biyaya. Magpasalamat tayo sa Diyos at ipanalangin natin ang mga may kapansanan. Pagalingin nawa sila ng Panginoon. Ang mga signed language at hearing aids ay naging malaking tulong sa kanilang pakikipag-ugnayan. Ayon kay Isaias: “Makarinig ang mga bingi , awit sa galak ang mga pipi”. Sabihin natin sa mga may karamdaman na huwag silang matakot at lakasan ang loob sapagka’t nilikha tayo ng Diyos at ang kapaligiran. Subali’t makikita pa ba natin ito at maririnig ang awit ng mga ibon sa himpapawid kung tayo mismong mga tao ang sumisira rito: Ang ilog, halamanan, kabundukan at karagatan.
Igalang natin at mahalin ang kalikasan sapagka’t ito’y ating kapwa nilikha. Huwag tayong mamili at magtangi ng kapwa. Pinipili natin kung sino ang may appeal sa atin. Kaya’t sabi ni Santiago na huwag nating itangi ang mga material na kaanyuan: Singsing na ginto, magarang damit at maraming pera. At sa kahirapan nating mga Pilipino ay hindi lamang paghanga kundi ano ba ang ating mapapala! Pinipili natin ang mga mayayaman: Dito kayo maupo at ang mga dukha ay halos di natin pansinin. Tumayo ka na lang dyan o sa sahig ka na lamang maupo! Ating tandaan na hinirang ng Diyos ang mga dukha sa sanlibutan upang maging mayaman sa pananampalataya.
Si Hesus ang ating Dakilang Manggagamot, ipina- tong Niya ang Kanyang kamay sa lalaking bingi at utal. Inilayo sa karamihan isinuot ang daliri sa tainga nito tumingala sa langit, nagbuntong hininga at sinabi: Effeta, mabuksan ka. Nawala ang pagkautal at nagsalita nang malinaw. Ipinagbilin pa Niya na huwag ipamalita ang kanilang nasaksihan. Subali’t ang tao ay hindi makapagtago ng kabutihan ng Diyos!
Marami sa ating mga Pinoy na makaiwas lamang sa mga sigalot ay nagbibingi- bingihan. Ayaw nilang mapadamay sa mga nakurakot nila sa kaban ng bayan. ito’y karamdamang walang kagalingan, sinadya nilang ma ging pipi at bingi para itago ang katotohanan.
Patawarin tayo ng Panginoon!
Is 35:4-7; Salmo 1 46; Santiago 2:1-5 at Mk 7:31-37
- Latest
- Trending