EDITORYAL - Dedikadong lider
KAPAG nakikita ang mga templo ng Iglesia Ni Cristo, marami ang napapahanga sa ganda ng architectural design at ganoon din sa ipinakikitang tibay at tatag. Tila ba hindi kayang buwagin ang pundasyon. At siguro, kaya ganito katibay at kata-tag ang mga templo ay dahil sa ipinakitang dedikasyon ng mga namumuno rito. Imposible kasing maging matatag ang isang gusali kung mahina at walang disiplina ang mga gumagawa. Kaya ganito katibay ang INC ay dahil sa ipinakitang dedikasyon ng namayapang Eraño “Ka Erdy” Manalo. Siya ang Executive Minister ng INC sa loob ng 46 na taon. Siya ang humalili sa nagtatag ng INC na si Ka Felix Manalo. Namatay si Ka Erdy sa edad na 84.
Sa mga Iglesia member, si Ka Erdy ang itinutu-ring nilang “tatay”. Kaya nga nang mapabalita ang kanyang pagpanaw, marami ang umiyak. Nawala na ang kanilang “tatay” na matagal na panahong pinamunuan ang Iglesia. Maraming hindi makapaniwala na namayapa na nga ang lider. Ang kasunod niyon ay ang pagsugod nang maraming miyembro sa kinaroroonan ni Ka Erdy sa Central Temple sa Commonwealth Avenue para masilayan ang ka-nilang dedikadong lider.
Hindi lamang mga miyembro ng Iglesia ang nakiramay kay Ka Erdy kundi pati na rin ang mga pulitiko at kabilang dito si President Arroyo. Mula sa biyahe sa Libya ay nagtungo agad sa Central Temple para ipaabot ang pakikiramay sa mga kaanak ni Ka Erdy. Ang mga miyembro ng House of Representatives, mga mayor, governor, councilor ay nagpaabot ng kanilang pakikisimpatya at pakikiramay sa mga naulila ni Ka Erdy. Iyon ang huli nilang paggalang sa lider ng Iglesia na malaki ang naitulong sa kanilang kandidatura. Hindi maitatanggi, na kung hindi dahil sa tulong ng INC, hindi sila maluluklok sa puwesto. Hindi lamang sa Pili-pinas, lumaganap ang INC kundi maging sa 90 bansa.
Yumao na ang itinuturing na “tatay” ng mga miyembro ng INC subalit ang iniwan niyang mabuting pangalan, kasimplehan, pagkadisiplina ay hin-di malilimutan. Habang nakikita ang maganda, ma-tatag at matayog na mga templo ng INC ay maaa-lala ang mga nagawa ni Ka Erdy — isang matapat at dedikadong lider ng kanyang kawan.
- Latest
- Trending