'Ako si Eddie, Siya si Arra(?)'
EDUARDO SA UMAGA… ARRA SA GABI. Dalawang katauhan na bumabalot sa iisang tao, ito ang kadalasang problema ng isang gay, binabae… bakla. Paano kung may isa pang katauhang papasok at lalong magpapagulo sa nakalilitong pagkatao nito?
Ito ang tinuklas ni Eduardo Garcia kilala bilang “Arra”, 49 na taong gulang ng Malagasang Imus, Cavite.
Dating isang Entertainer-Dancer si Arra sa isang ‘club’ sa Japan kung saan sumikat siya sa pangalang “Yumi”.
Sumailalim siya sa operasyon kung saan iniba ang kanyang kasarian… naging ganap na si Yumi na ang dating si Eduardo.
Siyam na taon niyang ginugol ang oras sa pagsasayaw upang makapagpundar sa Pilipinas. Gamit ang husay niya sa paggiling madaming naging tagahangang Hapon si Arra sa katauhan ni Yumi.
Naging mautak siya sa paghawak ng kanyang pera kaya’t habang nasa Japan ito’y nakabili siya ng bahay sa Imus Cavite.
Taong 2006 ng umuwi sa bansa si Arra at sa kauna-unahang pagkakataon nakita niya ang bunga ng kanyang pawis sa pagsasayaw sa mainit at nakakasilaw na ilaw sa entablado.
“Sulit na sulit ang paghihirap ko sa Japan... Ang sarap isiping nakabili ako ng bahay dahil sa pagsasayaw… na umuwi ako sa Pilipinas na ’di ko na kailangang mangupahan pa,” pahayag ni Arra.
Dahil di na rin bata si Arra at wala na siyang balak bumalik pa sa Japan, gamit ang natirang ipon ay nagtayo siya ng negosyong Water Station.
Naging maayos ang pagtira ni Arra sa kanyang bagong bahay, mag-isa man siya’y naging abala siya sa pagpapatakbo ng kanyang negosyo. Katulong niya dito ang kanyang dalawang ‘boy’ na si “Joel” at “Roger”.
Naisipan ni Arra na magpaupa sa dalawang kuwarto ng kaniyang bahay, dahilan na madalas na naiiwang walang tao ito dahil namamalagi siya sa kanyang negosyo’y minabuti niyang mag pa-bed space nalang.
Kasalukuyan namang naghahanap nun ng matitirahan si Ronnie Jose Marabe na kakilala ng kanyang matalik na kaibigang si “Gina”.
Naantig si Arra sa mga binahagi ni Ronnie sa kanya kaya’t kapos man sa pera ay bukas loob niyang tinanggap bilang boarder nun si Ronnie.
“Nakikita ko ang sarili ko kay Ronnie… ang pag-aabroad niya sa Korea sa Brunei para sa kanyang pamilya, ’yun na ’yun ako! Kaya pinayagan ko siyang mag-board,” kwento ni Arra.
Isang gabi, buwan ng Marso 2009 ng tuluyang lumipat si Ronnie sa bahay ni Arra. Naging madali ang pakikisama nila Arra sa isa’t isa… lumipas pa ang ilang Araw at mas lalong naging matibay ang pagkakaibigan ng dalawa. Turing nila sa isa’t isa ay parang magkapatid.
“Mabait si Ronnie… tahimik na tao siya pero walang siyang lihim sa akin kaya nga’t ng inamin niyang isa siyang silahis ay ’di ako nabigla pa dahil pansin ko naman ’yun nung una pa… turing ko nga sa kanya’y isang nakababatang kapatid na babae, pinaghahain ko siya…maging kung anong putahe ang gusto niya,” pagbabahagi ni Arra.
Naging madalas ang pag-alis ni Ronnie dahil sa pag-aasikaso nito ng kanyang mga papeles papuntang ibang bansa, halos si Arra naman ang tumayong kapatid ni Ronnie ng mga panahong yun. Buong suporta si Arra dito.
Isang Araw nagkakwentuhan sila Arra at Ronnie sa sala, biglang napasok sa kanilang usapan ang tungkol sa bahay, natanong ni Ronnie ang tungkol sa titulo nito wika niya’y “may titulo ba naman to!?” agad naman pinag mayabang ni Arra na “Hoy, meron ano… binayaran ko pa ‘to… Cash!”.
Naging normal ang takbo ng buhay ni Arra habang patuloy pa din ang paglalakad ng papeles ni Ronnie papuntang abroad hanggang isang araw, nabigla nalang si Arra ng bigyan siya ng libreng ‘passes’ ni Ronnie sa sinehan.
Nakipag-kita si Ronnie kay Arra at Jana, anak ng kanyang kapitbahay sa Robinson, Imus at dun nito binigay sa kanila ang dalawang libreng passes.
“Pinipilit ko siyang sumama sa amin pero ayaw niya, sabi ni Ronnie kami nalang daw,” salaysay ni Arra.
Kinatuwa niya ang pagmamagandang loob ni Ronnie, ang nasa loob niya nun sukli ito ni Ronnie sa magandang pakikitungo niya dito.
Matapos ang ilang araw, isang sumbong ang ipinarating sa kanya nila Roger at Joel, “Ate… ate, kinuhanan po nung kasama ni Ronnie ang buong bahay nung nasa Robinson ka,”. Naging palaisipan sa kanya kung sino ang kasama ni Ronnie na tinutukoy ng kanyang mga boy at kung bakit nito kailangang kuhanan ng litrato ang kanyang bahay.
Tinangkang kausapin ni Arra si Ronnie subalit inunahan na siya nito ng alis, pagpapaliwanag ni Ronnie ay di na niya kaya pang magbayad ng upa kaya’t lilipat nalang siya sa iba.
Dagdag pa ni Arra ay pinakuha nalang ni Ronnie ang kanyang gamit sa nagpakilalang kaibigan nito, nanatili namang tahimik si Arra dahil ayaw na niyang usisain pa ang problema ni Ronnie lalo na’t naiintindihan naman niya ang sitwasyon.
Binaon niya sa limot ang kahina-hinalang pagkuha ng litrato ni Ronnie sa bahay, naging mas matimbang sa kanya ang pag-aala sa kalagayan ng kanyang kaibigan.
Ika-31 ng Mayo… isang katok mula sa pinto ang kanyang narinig. Nang buksan niya ito bumulaga sa kanya ang isang miyembro ng ‘lending’ sa Asian Cathay Finance and Leasing Corporation, na matatagpuan sa Binondo, Manila.
“‘Nandito po ba si Eduardo?’ yan litanya sa akin ng taga-lending sabi ko pa , ‘Yes, ako si Eduardo’ parang nakakita siya ng aswang nun, napalunok siya at napasabing ‘bakit iba… iba ang mukha sa picture?’ yun pala’y si Ronnie ang nasa larawan gamit ang pangalan ko” pagsasalarawan ni Arra.
Pinaliwanag sa kanyang nakasanla ang kanya lupa at bahay, mabilis namang tinanggi ni Arra ang sinabi sa kanya, sinabi nitong “Huh? Bakit ako magsasanla? Ito na nga lang ang natitira sa akin, isasanla ko pa… kawawa naman ako nun!”
Pumunta siya sa kwarto at kinuha ang titulo ng bahay. Pinamukha niya ang hawak na katibayan. Mabilis siyang sinagot ng tao na peke ang hawak nitong titulo. “Peke? Panung peke! Ang pinagsasabi mo.” Sagot naman nitong si Arra.
Kinabukasan agad na pumunta si Arra sa Registry of Deeds ng Land Register Authority, Cavite at dun natuklasan niya na peke na pala ang titulo na kanyang hawak.
“Naloka ako! Isa lang ang pumasok sa aking isipan ninakaw ni Ronie ang titulo ko. Gusto kong sakalin si Ronnie ng panahong iyon, paano niya nagawa ito sa akin? Gustung gusto ko siyang sugurin pero ’di ko naman alam kung saan siya hahagilapin,!” mariing pahayag ni Arra.
Pinuntahan niya ang opisina ng Asian Cathay Finance at inalam niya kung paano nakalusot sa kanila ang ganitong pangyayari, pinakita sa kanya ang ‘SSS ID’ at ‘driver’s license’ na nakapangalan sa kanya na may picture ni Ronnie.
“Sumikip ang mundo ko ng makita ko ang mga ebidensiyang yun. Ninakaw niya ang identity ko… siya na ngayon ako! Nataranta ko at naitanong ko paano na ngayon itong bahay ko?” pagbabahagi ni Arra.
15k nakiusap siya ginawang 10k pero hanggang June dapat makumpleto niya ang bayad sa pagkakasanla nitong impostor na si Ronnie.
Pinababayaran kay Arra ang P15,000 para sa interest ng sinanlang titulo, nakiusap siya na ibaba ito sa P10,000 at pumayag naman ang lending subalit binigyan siya ng taning na bayaran ang pagkakasanla ng titulo sa halagang humigit kumulang P300,000.
“Saan naman ako kukuha ng pambayad sa halagang yan, wala naman akong masisi kung bakit ito nangyari. Kaya pumunta na ako sa inyong tanggapan,” salaysay ni Arra.
Itinampok namin sa aming programa sa Radyo “Hustisya Para Sa Lahat” 882 khz ang reklamo ni Arra laban sa impostor na si Ronnie.
Sa ngayon takot na takot si Eduardo na anumang oras maari siyang sampahan ng kaso nitong lending at ma-elite ang kanyang tanging naipundar na bahay at lupa.
Pinayuhan namin siyang magsampa ng ‘Annulment of mortgage’ dahil malinaw na wala siyang alam sa pagsasanla ng kanyang titulo. Maliban pa rito, maari niyang sampahan ng kasong qualified theft si Ronnie sa pagnakaw nito ng ‘original title’ ng kanyang lupa’t bahay.
Nakipag-ugnayan kami sa tanggapan ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) at sa tulong ni Atty. Alice Vidal para mag-aapoint sila ng abugado mula sa IBP,Cavite para maasikaso ang problema nitong si Arra. (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL)
Sa mga gustong dumulog sa aming tanggapan ang aming mga numero, 09213263166 o sa 09198972854 at ang landline ay 6387285. Maari din kayo magpunta sa 5th floor CityState Center bldg., Shaw Blvd., Pasig City.
- Latest
- Trending