PATULOY ang paglaganap ng mga kasong Hulidap sa hanay ng Philippine National Police sa Metro Manila at maging sa mga probinsiya.
Sa kabila ng kampanya ng pamunuan ng PNP na masugpo ang mga kasong HULIDAP, lalo pa itong tumataas.
Agosto 28, alas-10 ng gabi, naganap ang isa na namang kaso ng hulidap na kinasangkutan ng mga pulis Hilltop ng Taytay, Rizal. Inilapit ito sa BITAG ng mismong biktima.
Ang kanilang pangunahing biktima ay ang mister na plinantahan ng droga sa bulsa nito. Kapalit ng kaniyang paglaya, humingi ang apat na suspek na pulis Hilltop ng halagang P50,000.
Ang masahol dito, ang kaniyang misis na pinaghahanap ng perang pambayad, nagahasa sa isang resort motel na malapit sa kampo kasama ang mga suspek na pulis.
Sapilitang naisagawa ang panggagahasa sa misis ng biktima sa dahilang tinakot ito na papatayin ang kaniyang mister kung hindi ito sumunod sa kanilang kahilingan na magpagamit.
Hindi pa nakuntento itong mga pulis Hilltop, Taytay sa kanilang kababuyan at kamanyakan, kinuha ang motorsiklo ng biktima saka pa lang pinalaya ang mag-asawa.
Isang araw lang ang lumipas, tuloy pa rin ang pangingikil ng mga putok sa buhong pulis Hilltop, Taytay sa pamamagitan ng kanilang pagtetext at pagtawag sa mag-asawa. Ipinatutubos ng beinte singko mil ang motor ng biktima sa mga lugar na kung saan isasagawa raw ang abutan ng pera.
Agad kumilos ang BITAG sa tulong ng Mission X na ilapit ang kasong ito sa CIDG-CIDD sa Camp Crame para maikasa ang entrapment operation laban sa mga suspek.
Panoorin ang detalye bukas sa IBC 13 at sa Lunes sa UNTV sa imbestigasyong ginawa ng BITAG.
Ngayon pa lang, pinahahanda na namin si Region IV-A Director Gen. Perfecto Palad sa kahayupan ng kaniyang mga pulis sa Hilltop Provincial Headquarters sa Taytay Rizal.
At para sa’yo Gen. Palad, huwag mong subukan na pagtaguan ang BITAG, ibahin mo kami!