NAPAHANGA ako ni Senator Mar Roxas sa ginawa niyang pagpapaubaya kay Sen. Benigno “Noynoy” Aquino para maging standard bearer ng Liberal Party sa 2010 presidential polls.
Sobrang hirap, pagod at pananalapi na ang naipuhunan na ni Roxas para sa kanyang naunsiyaming kandidatura sa pagka-pangulo ngunit nagparaya siya para hindi mawasak ang partidong kanyang pinamumunuan. “Mas gusto kong maging pinuno ng pagkakaisa” aniya sa kanyang statement sa Club Filipino.
Parang aksidente ang pagsirit ng pangalan ni Noynoy bilang potensyal na Pangulo ng bansa. Ito’y bunga ng pagyao ng kanyang ina na si dating Presidente Corazon Aquino na muling nagpaalab sa diwa ng nasyunalismo sa puso ng mga Pilipino. Lohikal at marangal na hakbang ang ginawa ni Roxas na umatras at sumuporta sa kandidatura sa pagka-pangulo ni Noynoy na tumaas ang winning potential bunga ng euphoria sa pagpanaw ng kanyang ina. Bunga niyan, kung pagbabasehan ang surveys, tila hirap na hirap makausad ang rating ni Roxas bagamat naniniwala akong isa siya sa mga politikong walang bahid dungis.
Sana’y magsilbing inspirasyon ang ginawa ni Roxas sa ibang presidential aspirants ng oposisyon. Sa nangyayaring “labu-labo” ngayon ng mga opposition presidentiables, lalo lamang tumitingkad ang imahe ng mga kandidatong ito bilang mga “traditional politicians” na atat-na-atat masungkit ang pinakamataas na puwesto ng kapangyarihan.
Kailangang maging discerning ang bawat mambobotong Pilipino upang kilanlin ang mga kandidatong may tapat na layuning maglingkod sa bayan at hindi maglingkod sa kanilang lukbutan.
Kung magkakaroon ng single candidate ang oposisyon na sa ngayo’y walang pagkakaisa, ang labanan sa 2010 ay magiging three-ways: Administrasyon, oposisyon at mga non-traditional, reform or-iented candidates na sa tingin ko’y dapat na ring magkaisa at magkaroon ng iisang kandidato lamang.
Dapat na ring seryosohin ng bawat Pilipino ang pakikipaglaban para sa isang pamahalaang maka-diyos na hahango sa bansa sa lahat ng proble-ma nito sa kabuhayan at susugpo sa tala-mak na corruption sa gobyerno.