NAPAKASUWERTE ng panganay na anak ni Pre-sident Arroyo na si Pampanga Rep. Miguel “Mikey” Arroyo. Lumobo ang kanyang kayamanan dahil sa mga tulong noong nangangampanya siya at sa mga regalo na kanyang natanggap nang siya’y ikasal. Ang mga tulong at regalo ang naging daan din para siya makabili ng bahay at lupa sa California na nagkakahalaga ng $1.32 million (about P63.7 million).
Nakalulula ang pagbiglang paglobo ng kayamanan ni Mikey. Noong 2002 ang kanyang kayamanan ay nasa P5 million pero noong nakaraang taon (2008) ay naging P99 million. Marami raw talagang nagbigay ng tulong at nagregalo sa kanila at meron din naman silang investment kaya ganoon kabilis ang pagdami ng kayamanan. Ganoon man, hindi naman sinabi ni Mikey ang mga dahilan kung bakit naging ganoon kabilis ang pag-akyat ng kanilang kayamanan. Hindi rin naman niya binanggit kung kaninong mga tao galing ang regalo at campaign contributions.
Nahalungkat ang mga kayamanan ng panganay na anak ni Mrs. Arroyo nang mabuking na hindi nito isinama sa kanyang Statement of Assets and Lia-bilities and Networth ang kanyang nabiling property sa America. Sinabi naman ni Mikey kaya hindi niya isinama ang kanyang property sa America sa SALN ay sapagkat nailipat na niya ang pagmamay-ari sa isang kompanya roon na ang pangalan ay Beach Way Park LLC kung saan ay mayroon siyang 40 percent shares. Subalit ayon naman sa VERA Files na nagbunyag sa ari-arian ni Mikey, nasa pangalan ng asawa nitong si Angela ang property sa California at wala naman diumanong Beach Way Park LLC na nakarehistro sa assessor’s office sa nasabing lugar.
Hinamon naman ni Mikey ang kanyang mga kritiko na kasuhan siya sa korte. Gusto raw niyang kasuhan siya para malinawan ang lahat. Lahat daw ng mga ginagawa niya ay legal.
Ganyan naman lagi ang hamon ng mga inaakusahan, kasuhan sila sa korte. Siyempre, malakas ang loob ni Mikey dahil sila ang nasa kapangyarihan. Kaya nilang gawin ang lahat. Kaya nilang imaniobra ang anuman sa bansang ito. Kaya balewala rin ang lahat ng pagsisikap para makita ang katotohanan.