SA loob lamang ng isang buwan, apat na ang nananakaw na motorsiklo mula sa mga parking lot sa Ortigas, Pasig City.
Ang impormasyong ito ay buhat mismo sa barangay hall ng Bgy. San Antonio, Ortigas Pasig, kung saan halos lahat ng nakawan ng motorsiklo sa Ortigas, Pasig ay sakop nito.
Hindi na nagawang maipakita pa sa amin ang iba pang record ng mga naging biktima mula Enero ng taong ito dahil sa dami ng mga biktima, halos magpatung-patong na ang mga record nito at hindi pa masakto ang bilang.
Ang imbestigasyong ito ay buhat sa isang reklamong natanggap namin sa isang empleyadong nagtatrabaho sa isa sa mga gusali sa Ortigas.
Bago pumasok ay ipinark daw niya ang kanyang motorsiklo sa isang private parking area, ilang metro lamang ang layo sa kaniyang pinapasukan.
Sinigurado niya pa raw na nakalock ang mga gulong at manibela ng kaniyang motorsiklo at dinoble pa raw niya ang kandado sa mga gulong nito upang hindi basta-basta makarnap.
Halos itago niya pa raw ang kaniyang motorsiklo dahil ipinalaman niya ito sa dalawang naglalakihang motorsiklo na nakaparada rin sa parking lot.
Hindi niya inaasahang paglabas niya ng opisina ay hindi na matatagpuan pa ang kaniyang sasakyan. Nang tanungin raw nito ang cashier ng parking lot ay ikinagulat pa nitong nawawala ang kaniyang motorsiklo.
Ayon kay Atty. Frederick Lu, responsibilidad ng isang par king lot na nagpapabayad na maglagay ng mga taga-bantay o security para sa seguridad ng mga sasakyang ipinagkatiwalang iwanan sa kanilang espasyo ng mga may-ari nito.
Sa kaso ng nagrereklamong lumapit sa amin, nakasulat sa likod ng ticket ng parking lot na kaniyang pinaradahan na walang pananagutan ang pamunuan sa mga mawawalang sasakyan.
Paliwanag naman ni Atty. Lu, oras na mapatunayan sa hukuman na nagkulang at nagpabaya ang pamunuan ng parking lot na naging dahilan ng pagkawala ng isang sasakyan, may pananagutan sila rito.
Ang tanong, paano nga ba nanakaw ang motorsiklo ng biktima kung naka-lock ang mga gulong at manibela nito?
Nang ikutan ng BITAG ang inirereklamong parking area, may bakod naman ito at mukang imposibleng sa mga bakod nito idaan ang ninakaw na motor. Matao rin ang lugar ng nasabing parking area.
Ang sagot sa mga katanungang ito… susunod. Sa patuloy na pag-iimbestiga ng BITAG.