KASO ito ni Mat, regular na empleyado ng LBC. Ang trabaho niya ay magdeliver ng mga package mula o para sa LBC at sa mga kliyente nito. Binigyan siya ng serbis na motorsiklong Kawasaki na nagkakahalaga ng P46,000. Mahigpit na bilin sa kanya na laging susian ang manibela tuwing ipinaparada ang motorsiklo.
Noong Abril 30, 2001, bandang 6:10 ng hapon, dumating si Mat sa opisina ng LBC sa Escolta. Idadaan niya ang mga dalang package. Ipinarada niya ang sasakyan, pinatay ang makina at kinuha ang susi. Nakalimutan niyang i-lock ang steering wheel. Pagbalik niya matapos ang tatlo hanggang limang minuto, wala na ang motorsiklo. Agad niyang ipinaalam sa mga boss niya at sa pinakamalapit na presinto ng pulis ang nangyari.
Naglabas ng memo ang LBC sa pamamagitan ng bise presidente nito. Pinagpapaliwanag si Mat kung bakit hindi siya dapat tanggalin sa trabaho dahil sa nangyaring pagkarnap sa motorsiklo at pagkawala ng isang package na nasa loob nito.
Ayon kay Mat, nagkamali siya ng desisyon. Naisip niya na walang mangyayari sa motorsiklo sa loob ng tatlo hanggang limang minuto. Ang pinag-ingatan daw niya ay ang maipasok agad ang mga package at ang malaking halaga na dapat maitago sa opisina.
Noong Mayo 30, 2001, matapos ang masusing imbesti gasyon, natanggap ni Mat ang naging pasya ng pamunuan ng LBC. Tinanggal siya sa trabaho at pinagbawalan na pumasok pa sa kompanya. Ayon sa bise presidente, naging lubhang pabaya si Mat sa kanyang trabaho at nagdulot ito nang malaking pin-sala sa kompanya. Legal ba ang pagtanggal kay Mat?
LEGAL. Ang lubhang pagpapabaya o “gross negligence” ay ang kawalan ng kahit kaunting pag-iingat sa ginagawang trabaho. Hindi man lang naisip ng taong sangkot ang magiging resulta nito o kung ang epekto nito sa ibang tao.
Sa kaso ni Mat, naging lubhang pabaya siya nang basta na lang iniwan ang motorsiklo sa kahabaan ng Escolta. Mahigpit siyang binilinan na i-lock lagi ang steering wheel. Hindi importante kung nawala lang siya ng tatlo hanggang limang minuto. Ibig sabihin, hindi niya naisip kahit sandali ang mahigpit na bilin ng amo. Hayan tuloy at nangyari ang kinatatakutan ng pamunuan ng LBC na pagkawala ng motorsiklo at ng mga kargang package.
Hindi obligado ang isang kompanya na patuloy pa rin tang gapin sa trabaho ang isang empleyadong tulad ni Mat na naging lubhang pabaya. Hindi simpleng pagkakamali ang pinag-uusapan sa kaso. Kahit paano pa mag-ingat si Mat, hindi na niya maibabalik ang nawalang motorsiklo ng LBC na nagkakahala-ga ng P46,000 bukod pa sa mga nawalang package (LBC Express et. Al. vs. Mateo, G. R. 168215, June 9, 2009).