Brokers ni Abalos ni hindi inusisa
MERONG kahina-hinala sa Ombudsman investigation sa ZTE scam. Bukod ito sa pagpapawalang-sala sa pumirma sa kontrata na Sec. Larry Mendoza at mga umayos ng presyo na Asst. Secs. Lorenzo Formoso at Elmer Soñeja. Malaking himala na ni hindi inusisa ng anti-graft agency ang binistong kapwa-brokers ni dating Come- lec chairman Benjamin Abalos sa ZTE deal. Ito sina Ru-ben Reyes, Leo San Miguel, retired police general Qui-rino dela Torre, at Jimmy Paz.
Nakakapagpa-hinala tuloy. Ito kaya’y para pahinain ang kaso laban kay Abalos — tulad ng pagpapahina ng Ombudsman ng mga naunang habla laban sa iba pang mga kaibigan ng Malacañang? (Isa sa impeachment complaints ngayon laban kay Ombudsman Merceditas Gutierrez ay ang moro-morong kaso laban kay dating boss na justice secretary Hernando Perez, kaya tuloy mabilis inabsuwelto ng Sandiganbayan.)
Kung inusisa ang apat na kapwa-brokers ni Abalos, malamang na naihabla rin sila. At kung naihabla sila ay lalakas naman ang ebidensiya laban kay Abalos.
Maaalalang unang naglantad si Joey de Venecia III sa papel ng apat sa ZTE scam. Aniya kasama palagi sila ni Abalos dahil sa mga papel nila para sa ZTE. Si Reyes ang tagasingil ng suhol, si San Miguel ang tagapino ng technical specifications ng broadband network, si dela Torre ang golf mate na nagpakilala kay Abalos sa nau-nang dalawa, at si Paz chief of staff ni Abalos sa Comelec. Naroon sila sa hotel sa Shenzhen nang pag-usapan ang mga komisyon mula sa ZTE. Naroon din sila sa mga pulong sa Wack-Wack Golf and Country Club para pala-yasin si De Venecia mula sa deal.
Pinagtibay ng isa pang whistleblower na si Dante Madriaga ang testimonya ni De Venecia. Bilang technical man ni San Miguel, alam din ni Madriaga kung magkano ang suhulang naganap sa Shenzhen at Maynila.
* * *
Lumiham sa jariusbondoc @workmail.com
- Latest
- Trending