BAKIT hindi nagulat ang publiko nang i-absuwelto ng Ombudsman ang mga sangkot sa ZTE scam? Simple. Batid ng madla na ang anti-graft body ay nakakasa ngayon para lang pagtakpan ang dumi ng administrasyon.
Biruin mo, nahaharap si Ombudsman Merceditas Gutierrez sa impeachment nang pawalan-sala ng ahensiya niya ang First Couple sa ZTE scam. Halata tuloy ang moro-moro. Nag-inhibit nga si Gutierrez sa ZTE probe. Pero hindi maikakaila na kaklase siya ni First Gentleman Mike Arroyo sa law school. At huwag kalimutan, si President Gloria Arroyo ang nagluklok sa kanya. Maaring wala rin kinalaman ang deputy ni Gutierrez na si Mark Jalan-doni sa inquiry. Pero pamangkin umano siya ni ZTE contract signatory Larry Mendoza, at anak ng malimit kasabong ni Iggy Arroyo. Ang pustahan ngayon ay ibabasura ng mga katoto ni Arroyo sa Kamara ang impeachment complaint laban kay Gutierrez.
May hinala tuloy na nagbulag-bulagan ang mga imbestigador sa datos: Deputy Ombudsman Orlando Casimiro, Emilio Gonzales III, Robert Kallos, Rodolfo Elman, Cesar Asuncion, at Jesus Micael. Pakatandaan sila. Maaring bumaba ang pangalan nila sa kasaysayan katabi ang mga katu-lad nina Virgilio Garcillano, Lintang Bedol at Jocjoc Bolante.
Pinawalan-sala ang mga sabit sa ZTE contract: Umaprubang Gloria at humimas na Mike Arroyo, pumirmang, nagpresyong Lorenzo Formoso at Elmer Soñeja, at mga nanunuhol na negosyanteng Tsino na Yu Yong, Hou Weigui, Fan yan at George Zhuyin.
Sina dating Comelec chief Ben Abalos at NEDA head Romy Neri lang ang sinakdal. Bakit sila? Si Abalos, dahil kung iaabsuwelto siya sa kasong ZTE ay mauungkat ang naunang kasalanan ng Ombudsman nang pawalan-sala rin siya sa MegaPacific scam. Si Neri, dahil sa mata ng admin ay hindi siya mapagkakatiwalaan at lipas na ang bisa niya. Maaalalang tinawag niya min- san si Mrs. Arroyo na “evil”, at sakit ng ulo siya ng mga presidential cro-nies tulad ni Ricky Razon.