TULOY ang pagsusulong ng paglipat ng pamamahala ng Metro Manila Film Festival (MMFF) mula sa Metro Manila Development Authority (MMDA) patungo sa kamay ng mismong mga taga-industriya ng pelikulang Pilipino.
Ito ang binigyang-diin ng aking panganay na anak na si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada, chairman ng Senate Committee on Labor, Employment and Human Resources Development at ng joint Congressional Oversight Committee on Labor and Employment, na isa ring beteranong aktor.
Kamakailan, nagsagawa muli ng public hearing ang Senate Blue Ribbon committee tungkol sa pagkalustay ng pondo ng MMFF imbes na magamit ito para sa pagpapaunlad ng Filipino film industry at sa pagsuporta sa mga manggagawa sa industriya.
Nangunguna sa mga kuwestyunableng nangyari sa pondo ng MMFF ay ang pagbibigay ng malaking bahagi nito bilang cash gift kay MMDA Chairman Bayani Fernando tuwing birthday niya.
Malinaw sa mga datos at resibo, at inamin naman ni Fernando, na sa sunod-sunod na apat na taon ay tumanggap siya nang malaking perang regalo mula sa MMFF na pinangangasiwaan ng kanyang ahensiya. Ito ay P500,000 noong 2003; 500,000 din noong 2004; 100,000 noong 2005: at 500,000 muli noong 2006, o kabuuang P1.6 milyon.
Ang ganitong kuwestyunableng paggamit ng pondo ng MMFF ay sa ilalim lang ng termino ni Fernando nangyari. Ito ay napaka-unethical, imoral at maanomalya, at tinitingnang magiging kaso ng “technical malversation” laban kay Fernando dahil “public funds” ang nasabing pera.
Dahil din sa pagkalustay ng pondo ay hindi tuloy gaanong naaasikaso ang MMFF, hindi natutulungan nang ganap ang local film industry at hindi nabibigyan ng sapat na suporta ang mga mang-gagawa sa industriya. Kailangan na talagang ilipat ang pamamahala ng MMFF sa mismong mga nagtatrabaho at nagmamalasakit sa industriyang ito.
Sa mga gustong sumu- lat kay Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada, ipadala ito sa kanyang tanggapan sa Room 602, Senate of the Philippines, GSIS Bldg., CCP Complex, Pasay City.