SA papalapit na presidential polls sa 2010, dapat nagkakais ang ating advocacy. At iyan ay ang matuwid at may kakayahang pamahalaan; isang pinuno na maka-diyos at maka-bayan.
At ang adbokasiya natin ay lagyan natin ng mukha. Sino ang inaakala mong matinong leader na walang makasariling interes na bubusugin kapag nahalal bilang Pangulo ng bansa? Kung meron, be free to speak your heart out. Kaya ang pahayagan ay nahahati sa balita at opinion. Sa balita, hindi ka maaring magkomentaryo.
Sa opinion malaya kang maghayag ng iyong pananaw ngunit sa paraang responsable at hindi makasisira sa ibang tao. At kung may mga pagtuligsa ka tungkol sa katiwalian ng iba, kailangan ay mayroon kang hawak na matibay na ebidensya at ang tanging layunin mo ay ibunyag at supilin ang mga katiwaliang ginagawa ng ilang namumuno sa bansa. Tenga at mata kasi ng bayan ang mga mamamahayag. Sa modernong panahon, pati mambabasa ay nagiging instant “journalists” na rin dahil may tsansang magbigay ng sariling pananaw.
Maaaring iba-iba ang ating personal na gusto. Pero ang importante ay ipaglaban natin sila. Ang problema ay: May personal choices nga tayo pero tayo mismo ang nagmamaliit sa kanilang kakayahang manalo. Pagdating ng halalan, hindi rin natin iboboto sa katuwirang matatalo lang sila. Ahh.. iyan ang epektibong paraan para manatili sa puwesto ng kapangyarihan ang mga magnanakaw na inuunang busugin ang bulsa bago intindihin ang kapakanan ng mga pobreng Pilipino.
At yung personal choices ng iba ay pinagdududahan naman natin ang integridad kahit hindi pa sila nasusubukan. Kabalintunaan pa na yung mga tinatawag na “trapo” na subok na nating mangungulimbat ang ibinoboto natin. Tapos kapag nasa puwesto na ang mga ganid, tayo mismong bumoto sa kanila ang talak nang talak.
Ang problema pa rin, when we put a face to our ideal leader at tinukoy natin ang kanyang pangalan, nilalait tayo ng iba. Ang tinutukoy ko ay yung mga walang urbanidad na komento sa ating web site sa tuwing susulat tayo tungkol sa ating napipisil na kandidato. Pero okay lang iyan dahil kasama sa demokrasya ang malayang pamamahayag. Ang ano mang sabihin natin ay responsibilidad natin. Kaya lang, dapat maging maingat tayo dahil ang salita natin ang nagpapahamak sa ating pagkatao. Kung bulok pa rin ang gobyerno pagkatapos ng 2010, siguro iyan talaga ang nababagay na pamahalaan para sa atin. Pero naniniwala ako na babangon ang Pilipinas. May pag-asa pa at iyan ay nasa ating mga palad.