APAT na buwan na ang nakalilipas nang lumapit sa BITAG ang isang kawani ng dating Tala Leprosarium na ngayon ay Dr. Jose N. Rodriguez Hospital.
Ayon sa sumbong ng empleadong ito na itatago namin sa pangalang “Chuck”, hindi niya raw masikmura ang mga pagkaing inihahain sa mga pasyente ng nasabing ospital.
Sa una, mahirap sa amin na paniwalaan ang kanyang mga akusasyon partikular sa pamunuan ng nasabing ospital.
Nagkainteres na lamang ang BITAG nang hinamon niya kami na isagawa ang surveillance sa loob sa tulong niya para makapasok ang aming mga undercover at makita ang mga paghahanda at pagluluto sa kusina.
Dagdag dito, lalo kaming nagkainteres nang sabihin niyang nailapit niya na raw ito sa isang higanteng network sa telebisyon, isang programa na kahalintulad daw namin.
Aniya, “walang nangyari sa aking sumbong, tinulungan ko sila sa surveillance. At ng matapos ang lahat, mag-antay daw ako dahil gagawin daw movie special…”
Positibo ang sumbong ni “Chuck”. Sa tulong niya, nakita at naidokumento namin ang maruming paghahanda at pagsisilbi ng pagkain.
Tiyempo naman, nakuhanan din ng aming surveillance video ang mga pasyenteng may ketong, nagrereklamo sa kanilang pagkain.
Inilapit namin ito sa Department of Health, agad namang kumilos ang DOH at ipinatawag ang lahat na matataas na opisyal ng nabanggit na ospital.
Pumayag din sila na buksan ang kanilang pinto at nagpaunlak na ipakita sa BITAG ang kanilang kusina at paraan ng paghahanda ng pagkain. Nakita naming malinis na ang lahat.
Kahapon din ng hapon, dumulog sa aming tanggapan si “Chuck”. Sa kanyang bibig mismo nanggaling na malaki na raw ang ipinagbago ng nasabing ospital at nagpapasalamat ito sa mga nangyari.