'Ang tapang ni Atong Ang...'

(Ikalawang bahagi)

NUNG LUNES isinulat ko kung paano nabalik si Charlie “Atong” Ang matapos mahuli ito sa Las Vegas, Nevada matapos maglabas si Judge Lawrence Levitt ng District Court of Nevada nung Sept. 18, 2006.

Sinundo siya ni NBI Asst. Regional Director for Operational Services Reynaldo Esmeralda at NBI Interpol Division Chief Claro de Castro.

Sa halip na ilagay siya sa Quezon City jail matapos eskortahan siya ng mahigit sa 40 tauhan ng NBI agents sa pamumuno ni Atty Ruel Lasala.  

Si Atong ay dapat sanang makulong sa QC jail ngunit inilagay ito sa kulungan sa loob ng NBI compound. Nagprotesta itong si Sandiganbayan Special Prosecutor Dennis Villa-Ignacio subalit sa NBI din siya nanatili.

Tumestigo itong si Atong laban sa kay former President Joseph Estrada at umamin sa isang mas magaan na kaso kay sa Plunder. Siya ay kinasuhan ng panunuhol sa isang public official.

Nung May 28, 2009, ang Sandiganbayan Special Division ay naglabas ng isang pahinang kautusan na nagsasabi na tapos na ang “probation” nitong si Atong at siya ay ganap ng malaya at ibinabalik sa kanya ang lahat ng mga pribilehiyo na tinanggal sa kanya ng siya ay masentensyahan sa kasong BRIBERY.

Buhay na naman si Atong at malayang pinalawak ang kanyang mga pakpak at galamay.

Marami na siyang naging kontak sa NBI sa haba ng kanyang pananatili dun. Nagulat na lamang din ang marami ng malaman ng pamilya Enrile ay ang kanyang mga sinasamahan. Sina Congressman Jackie Ponce-Enrile at Katrina Ponce-Enrile at ang asawa nito na si James Focher.  

Ang tapang din naman nitong si Atong! Dati ang pamilya ni Pres. Joseph Estrada ang kanyang sanggang-dikit, ngayon ang mga anak naman ni Senate President Juan Ponce-Enrile  

Matagumpay na nabawi ni Atong ang kanyang kalayaan at ngayon handa na rin siyang bawiin ang kanyang katanyagan sa larangan ng sugal… legal man o illegal.

Maraming ginamit na tao si Atong, maraming ginagamit at marami pang gagamitin. Una na niyang pinasok ang Cagayan Economic Zone (CEZO) kung saan ang kanyang kumpanya na mas kilala sa pangalan na VITUAL 2, (mahilig nga sa dalawang number ito) ay nabigyan ng pahintulot na magsagawa ng “numbers game” (jueteng yan) dahil kasama daw sa “charter” ng lugar na yun at legal ito.

Kumuha sila ng “legal opinion” mula sa Department of Justice at ito’y pinirmahan ni Sec.Raul Gonzalez. Bakit ang lalawigan ng Cagayan ay pinapayagan ang ganitong laro gayung ang Small Town Lottery ay ayaw nila kahit ito’y legal at may buwis pang nakukuha ang gobyerno?

Nagsiguro ang DOJ kaya ang legal na opinyon na ibinigay nila ay kalakip ang “legal opinion ng Malacañang” hinggil sa legality na isyu tungkol dito.

Ipinaghambing ng DOJ ang opinyon ng Malacañang sa kaso ng Zamboanga na humingi din ng legal opinion kung maari din ba silang magpalaro ng ganung uri ng laro?

Ang legal opinyon na galing sa pagsasaliksik at pag-susulat ni Sec. Manuel Gaite ay malinaw na nagsasabi na bawal ang ganung laro dahil walang nakasaad sa kanilang charter.

Kaya ba meron sa charter ng Cagayan na nagsagawa ng ganung laro ay sa kadahilanan ng pagkalapit (?) magkasosyo ba (?) ni Atong kina Cong. Jackie, Katrina at James? Nagtatanong at nagtataka lamang.

Upang umano’y ipakita na may oposisyon sa pagpasok ng palaro ni Atong ay naghain ang mga opisyales dyan sa CEZO sa korte. Dinemanda nila ang grupo ni Atong.

Ano ang ginawa naman nila Atong? Humingi ng Temporary Restraining Order (TRO) para hintuin ang pagdinig ng kaso na ang CEZO.

Ang TRO ay may bisa ng dalawampung araw lamang at magkakaroon ng pandinig sa hukuman kung ito ay magiging “permanent.”

Nag-set ng schedule ang hukom upang dinggin ang TRO na hiningi nila Atong. Akalain mong walang umanong dumating, ayon sa akin source, sa hearing mula sa CEZO na nagdemanda sa kanya upang kontrahin ang panalangin nila Atong na ito’y maging permanente.

Aba, kung totoo nga ito malinaw na moro-moro ang pagsampa ng ‘t-ikaso’ laban kina Atong nitong mga taga CEZO.

Dahil dito namayagpag ang Virtual 2 Company nila Atong sa buong lalawigan ng Cagayan. Walang makahinto sa kanila dahil wala umano mula sa aking ang naghain ng apila sa “Appellate Courts.”

“Ang masama nito ang ginagawang bolahan ng mga numero ay computerized sa pamamagitan ng “electronic drawing of numbers.”

Hitech di ba? Subalit sabi pa rin ng aking source na sa halip na may mga kabo na nakaharap ngayon ay wala na dahil resulta na ang lalabas.

“Maliwanag na panlilinlang ang ginagawa nila dahil madali silang makakapili ng pinakakonting taya sa dalawang numero o ang kumbinasyon na walang taya para parati silang kabig ng limpak na limpak na salapi,” dagdag pa ng aming source.

Ngayon na matagumpay sina Atong sa Cagayan hindi pa nasiyahan ang kanilang mga tiyan at bulsa. Gusto na nilang palawigin ang kanilang operasyon sa ibang lugar sa buong bansa.

“Nagbalak na magtawag ng isang Congressional Probe si Cong. Liwayway Vinzons-Chato ng Camarines Sur ukol sa mga nangyayaring ito subalit wala naman nangyari,” wika ng aking source.

Aba hindi na pala nakapagtataka kung bakit “ANG TAPANG NI ATONG ANG!”

SA BIYERNES… abangan ang mga detalye sa seryeng ito. Kung paano umano pumasok si Atong sa iba’t ibang lugar at paano naagaw ni Atong umano ang control sa NBI at sa PNP sa pagbabalik ng “CALVENTO FILES” sa PSNGAYON…

PARA SA INYONG MGA REAKSYON maari kayong tumawag sa 6387285 o magtext sa 09213263166 at 09198972854. Maari din kayong magpadala ng liham sa 5th floor CityState Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City.

Ugaliin makinig sa “Hustisya para sa Lahat” Lunes hanggang Biyernes, alas 3 ng hapon sa DWIZ 882KHZ, at alas 7 ng umaga kapag Sabado.

* * *

Email address: tocal13@yahoo.com


Show comments