EDITORYAL - Kawalan ng disiplina sa pagtatapon ng basura
KAWAWA naman ang anim na Cabinet officials ni President Arroyo na ipinakukulong dahil hindi gumagawa ng hakbang para linisin ang Manila Bay. Ang limang Cabinet secretaries ay si Rolando Andaya ng Budget, Francisco Duque ng DOH, Hermogenes Ebdane ng DPWH, Jesli Lapus ng DepEd, Ronaldo Puno ng DILG at Arthur Yap ng Agriculture. Ang nagsampa ng reklamo sa Supreme Court ay ang UP professor at environmentalists na si Atty. Antonio Oposa. Si Oposa ay Ramon Magsaysay Awardee ngayong 2009. Nakatakda niyang tang-gapin ang award sa August 31.
Kung papabor ang Kataastaasang Hukuman sa kahilingan ni Oposa, maaaring ngayon pa lamang magkakaroon ng mga Cabinet official na papasok sa bilangguan dahil sa hindi pag-akto sa utos na linisin ang Manila Bay. Bagamat mahirap mangyari, maganda rin namang panggising ang kahilingan ni Oposa para kumilos ang iba pang miyembro ng Cabinet at asikasuhin ang lumalalang problema ng Manila Bay na ngayon ay matatawag na dagat ng basura.
Noong Agosto 6, o isang araw makaraang ilibing si dating President Corazon Aquino, isinuak ng Manila Bay ang napakaraming basura sa Roxas Boulevard. Nakasusuka at nakapandidiri ang tanawin. Nagpatintero ang mga sasakyan para maiwasan ang mga nakakalat na basura — karamihan ay mga plastic bags, botelyang plastic, shampoo sachet, kaha ng sigarilyo at kung anu-ano pang non-biodegradable materials o hindi nabubulok. Ilang taon na ang nakalilipas, sumuka na ang Manila Bay at ilang trak ng basura ang nakuha sa kahabaan ng Roxas Blvd. Nang bumaha sa Maynila noong nakaraang Sabado ng umaga at hindi agad bumaba ang tubig, hinihinalang mga basurang plastic ang nakabara sa mga daanan ng tubig.
Dapat panagutin ang mga opisyales na hindi gumaganap ng kanilang tungkulin sa paglilinis hindi lamang ng Manila Bay kundi sa lahat na. Sila ang dapat na manguna subalit dapat din namang ipaa-lala sa mamamayan na sila man ay may responsibilidad din sa problemang ito. Sila ang nagtapon ng mga basura at dapat ding suwetuhin. Dahil sa kawalan nila ng disiplina sa pagtatapon ng basura ay dumumi ang Manila Bay. Siguro dapat ding ipaunawa ng mga environmentalists na malaki ang kasalanan mismo ng mga mamamayang walang disiplina.
- Latest
- Trending