SA gitna ng batikos sa dalawang marangyang P1.75-milyon hapunan ni Gloria Arroyo sa America, tinangkang manggulat ni Press Sec. Cerge Remonde. Hoy, aniya, maliit lang ‘yang halaga ng kinain kung itutumbas sa $6.2 bilyong investments na inuwi ng Presidente mula sa US. Kesyo raw pasalubong ni Arroyo sa atin ang $136-milyong security aid, $350-milyong grant mula sa Millennium Challenge Corp., $1.6-bilyong Generalized System of Preferences 9GSP), $198-milyong bayad sa mga beteranong Pilipino, $1-bilyong garment export quota, at $1.2-bilyong bagong negosyo. Dagdag pa raw ang $1-bilyong expansion ng Coca Cola sa Pilipinas, na nauna nang ipinasok ang $300 milyon.
Sa pagsusuri, lumang kuwento na pala ang ilan sa mga inulat, at ang labi ay pagbibilang ng sisiw bago pa man mapisa ang itlog. Sa totoo lang:
• Ang $350-milyong Millennium grant ay hindi pa aprubado ng Washington. Nakasalalay ito sa paglilinis ni Arroyo ng gobyerno, na ngayo’y nabibilang sa mga pinaka-tiwali sa mundo;
• Ang $1-bilyong garment quota ay panukalang batas pa lang ni Rep. Jim McDermott nu’ng Hunyo, na tatalakayin sa darating pang taon, at kikitain ng Pilipinas ang halaga sa 2011 kung sakaling maisabatas ito;
• Ang $198-milyong para sa mga beterano ay isinabatas sa tulong ni Barack Obama noon pang Pebrero, at halos tapos na silang bayarang lahat;
• Ang $1.6-bilyong GSP ay listahan ng 5,000 produktong aangkatin ng US nang duty-free pero ni hindi nga mapunuan ng Pilipinas; at
• Ang nalalabi sa $1-bilyong expansion ng Coca Cola ay papasok sa Pilipinas limang taon pa mula ngayon.
Walang pinagkaiba sa ZTE deal ang pinagmamalaki ni Remonde na “investments” kuno. Pinala-bas nila na bagong pera raw ang $330-milyong broadband telecoms mula China. ‘Yun pala uutangin ito ng Pilipinas sa loob ng 20 taon, at may “tongpats” pang $200 milyon o P10 bilyon. Kikita agad ang kawatan pero dalawang dekadang nating pagdudusahan.