Suportahan ang PDEA!
KUNG may ahensiya ng gobyerno na kailangang suportahan ng mamamayan at lakihan ng budget, ito ay ang PDEA. Sa mga nakaraang araw, marami ang nagagawa ng ahensiya sa laban sa iligal na droga. May napatay na dating pulis at miyembro ng PDEA sa isang condominium sa Makati habang nakikipagkita naman sa isang notorious na Intsik na dealer. Agad bumunot ang dating pulis nang makita ang mga ahente ng PDEA. Hinuli naman ang Intsik. Dati na itong nahuli sa Sta. Cruz, Laguna pero pinakawalan dahil sa teknikalidad. Siguro naman wala nang teknikalidad itong pagkakahuli sa kanya. Kaya dalawa ang tagumpay ng PDEA sa isang operasyon! Isang Canadian naman ang napatay matapos makipagbarilan din sa PDEA agents sa Green Meadows. Tagumpay muli!
Laganap pa rin ang droga sa ating bansa. Kailan lang ay may nahuling opisyal ng isang korte sa Quezon City na nagbebenta ng shabu. Kung hindi pa iyan patunay na laganap ang droga sa bansa, ewan ko na lang! Sa mga nabanggit na insidente, mga empleyado o opisyal ng gobyerno ang mga sangkot sa droga. Hindi na bago ito, dahil marami ang nasisilaw sa pera kahit nasa panig ng batas. Sa kaso ng dating miyembro ng PDEA, nakalalamang siya dahil alam niya kung paano tumakbo ang PDEA. Alam niya kung paano kumilos ang dati niyang ahensiya. Pero hindi niya akalaing matitiyempuhan siya sa bahay ng Intsik, kaya nakipag-barilan kaagad.
Makikita kung gaano kahaba ang galamay ng droga, pati mga opisyal ng gobyerno ay nasa mga bulsa ng sindikato. Kaya napakahirap labanan ang droga, kahit sa ibang bansa. Maraming nabibili ang pera, pati mga taong akala mo’y kakampi mo sa laban. Dapat lang ay dagdagan ang tauhan at pondo ng PDEA, dahil matindi ang kalaban. Kung talagang seryoso na mawala na nang tuluyan ang salot na droga, dapat aktibo ang lahat sa laban. Marami ang magagawa ng PDEA kapag alam na nila kung saan nagtatago ang mga pusher at bentahan ng droga. At dahil hindi naman sila nasa paligid lang beinte-kuwatro oras, tayo na ang makakatulong sa kanila.
- Latest
- Trending