KAPAG nagkakaroon ng oil increase, madalas na ang panawagan ng Arroyo administration ay magtipid. Nang sumagasa ang financial crisis sa mundo, wala ring ibang bukambibig ang administrasyon kundi magtipid. Hindi lamang sa gasolina, kuryente at tubig kundi pati na rin sa mga gastusin dapat daw magtipid. Maganda naman ang kanilang kampanya at katanggap-tanggap.
Pero nang mapabalita noong nakaraang linggo na sumobra ng isang bilyong piso ang nagastos ni President Arroyo sa kanyang mga pagbibiyahe, biglang isang malaking kuwestiyon mark ang nakita ng mamamayan. Nasaan na ang kampanya sa pagtitipid? Ayon sa report mula 2001 hanggang 2009 at lumobo ang nagastos at nag-excess ng P1-bilyon. Pero sabi ng Malacañang, wala naman daw mali sa sobrang gastos.
Bawat taon, nasa P130-million ang tinatanggap ng Office of the President para sa travel expenses ni Mrs. Arroyo. Pero noong 2008 tumaas ito at naging P170 million na. Ngayong 2009, ganoon pa ring halaga ang nakalaan para sa pagbibiyahe.
Nakapagtataka naman na ngayon lang nabulatlat ang ginagastos ng Presidente sa kanyang mga biyahe. Mula noong 2001 nakagawa na nang mahigit 20 biyahe si Mrs. Arroyo. Marami siyang kasamang kaalyado sa bawat biyahe. Ang pinakahuling biyahe ni Mrs. Arroyo ay sa US kung saan ay nakipag-meeting siya kay President Barack Obama.
Ang pagkakadiskubre sa sobrang gastos ng Arroyo administration ay nagkataon naman sa kontrobersiya nang magarbong hapunan sa Le Cirque Restaurant sa New York na gumastos ng $20,000 at ganundin sa Bobby Vans Steakhouse sa Washington kung saan $15,000 ang nagastos.
Masyadong magastos ang pamahalaang ito. Kung si Obama at US Vice President Joe Biden ay nakakakain sa mumurahing hamburger stand, bakit hindi magawa nina Mrs. Arroyo para makapagtipid. Umano, si Obama ay uubrang mani lamang ang pulutan habang umiinom ng beer. Bakit kailangan pang mamahaling alak pa ang inorder sa New York restaurant. Nasaan na ang sinasabing magtitipid sa panahon ng krisis? Habang marami ang nagugutom, nagpipiyesta naman sila sa masarap na steak, lobster at caviar.
Magtipid daw. Para ano kaya at magtitipid? Siguro ang matitipid ng mamamayan ay gagastusin naman sa masaganang hapunan.