NGAYON ang huling yugto sa ika-anim na kabanata ayon sa ebanghelyo ni Juan na sinimulan ko noong Hulyo 26, 2009. Mga himala ng pagkain ang ipinagkaloob ni He-sus sa mga sumunod sa Kanya sa ilang noong sila’y magutom. Tuwang-tuwa ang lahat sapagka’t pawang kagandahan ng buhay ang kanilang nadama sa pagsunod at pakikinig sa Kanyang aral. Nabighani ang mga Judeo sa pagpaparami ng tinapay. Subali’t nang simulan ni Hesus ang pangangaral sa tunay na pagkain ng buhay ay nagsimula na ang kanilang pag-aalinlangan noong sabihin Niya: “Ako ang pagkaing nagbibigay buhay.”
Nagtanungan sila: “Paano maibibigay sa atin ng taong ito ang Kanyang laman upang kainin natin?” Sila’y tumalikod at hindi na sumama kay Hesus. Maging ang grupo ni Pedro ay kanyang tinanong kung ibig din ba nilang umalis. Sabi ni Pedro: “Panginoon, kanino po kami pupunta? Nasa Inyo po ang mga Salitang nagbibigay buhay na walang hanggan.”
Ang pagpapakain ni Hesus ng Kanyang Katawan at pagpapainom ng Kanyang Dugo ay pinagtibay Niya sa Huling Hapunan. Subali’t maraming relihiyong Kristiyano ang hindi sumunod sa Hapag Kainan ni Hesus. Sila ay puro pangangaral ng mga Salita ng Diyos lamang at hindi nila matanggap na mismong si Hesus ang tunay na pagkain ng ating buhay. At lagi kong sinasabi sa aking homily na napakahalaga ng misa bago mesa. Kaya lahat ng mga mananampalataya sa pagkain o komunyon sa banal na misa ay dapat laging handa at pagsisihan ang mga kasalanan upang maging karapat-dapat sa pagtanggap ng katawan ni Hesus.
Ang bunga ng ating banal na pagkain ay ang tunay na paglilingkod sa Diyos na buhay anuman ang ating lahi at lipi. Iwasan natin ang mga paglilingkod sa mga diyos-diyusan na pawang mga materyal at politikal ang sinasamba at inaasahan. Tularan natin ang lipi ni Josue na nagpahayag: “Wala kaming balak na talikuran ang Panginoon at maglingkod sa mga diyos-diyusan”.
Ang isa pang bunga ng ating hapag kainan ay ang kadalisayan at kabanalan ng mag-anak. Ipinaala-ala sa atin ni Pablo ang Dakilang Katotohahan: Ang kaugnayan ni Hesus sa Simbahan at Tahanan. Ang paggalang kay Hesus ng mga babae ay ang pagpapasakop sa asawa. Ang lalaki ang ulo ng kanyang asawa tulad ni Hesus na ulo ng simbahan.
Ganun din ang mga kalalakihan ay dapat maging wagas ang pag-ibig sa kanyang asawa gaya ng pag-ibig ni Hesus sa simbahan. Ang isang tahanan ay isa ding simbahan na patuloy ang kaugnayan nang lalaki at babae sa Diyos. Ang isang tahanan ay dapat laging magkakasama sa hapag kainan ni Hesus. Kayong mag-asawa ang ba-nal na alagad ng Diyos!
Jos24:1-2a15-17,18; Salmo34; Eph5:21-32
at Jn6:60-69