Matibay na ebidensiya
NAGSAMPA ng reklamo si Danny kay Nick upang mabawi ang pamumusesyon sa unang palapag ng isang bahay na matatagpuan sa isang probinsya sa norte. Ayon kay Danny, ang nasabing bahay ay kanyang ipinatayo mula sa sarili niyang pera noong 1972 at natapos ito noong 1975 at siya ang nagbabayad ng buwis nito. Matapos magawa ang ikalawang palapag, pinayagan niyang tumira ang mga magulang ni Nick na sina Ponciano at Amelia upang mamahala sa konstruksyon ng unang palapag nito dahil naninirahan siya sa Quezon City. Nang matapos ang bahay noong 1975, pinayagan niyang tumira pansamantala sina Ponciano sa bahay dahil na rin sa awa at tumagal ang pagtira nila rito hanggang magtungo sa Amerika noong 1985. Ilegal na tumira at namusesyon ang pamilya nina Niño sa unang palapag mula nang mamatay si Ponciano noong 1989 lingid sa kanyang kaalaman.
Bilang patunay na ang bahay ay pag-aari ni Danny, isinumite nito ang tax declaration pati na salaysay na sinumpaan ni Ponciano noong 1973 sa harap ng piskal ng kanilang lalawigan. Nakasaad sa salaysay ni Ponciano na “hindi siya ang may-ari ng bahay kundi si Danny na noong panahong iyon ay naninirahan sa Quezon City.”
Depensa naman ni Niño, kamay-ari raw ang kanyang mga magulang sa nasabing bahay kung saan napunta sa kanila ang unang palapag samantalang kay Danny naman ang ikalawang palapag. Ayon pa sa kapitan ng barangay, sa ama raw niya iginawad ang lote. Sinabi rin ng karpintero ng nasabing bahay na ama ni Niño ang nagpatayo nito. Iginiit ni Niño na may kaalaman si Danny sa pagtira niya sa bahay batay sa isang special power of attorney (SPA) na isinagawa ng kanyang magulang. Subalit ang SPA na ito ay hindi naisumite sa korte.
Pinaboran ng Regional Trial Court si Niño subalit sinalungat ito ng Court of Appeals (CA). Ayon sa CA, ang sinumpaang salay say ni Ponciano noong 1973 na nagsasabing hindi ito ang may- ari kundi si Danny, ay isang konklusyon ng pagmamay-ari ni Dan-ny. Ang deklarasyong ito ay maituturing na isang deklarasyon laban sa sariling kapakanan o interes. At upang patotohanan ang kaso ni Danny, makakatulong ang pagdedeklara ng buwis at mga resibo nito mula 1974 hanggang 1992. Tama ba ang CA?
TAMA. Ang sinumpaang salaysay ni Ponciano noong 1973 na nagsasaad na hindi siya ang may-ari ng gusali ay isang deklarasyon laban sa sariling kapakanan na maaring tanggaping ebidensya sa korte laban sa kanya at mga sumunod sa kanya tulad ng kanyang anak kahit na maituturing na hearsay o sabi-sabi (Section 38, Rule 130, Rules of Court). Ito ay dahil ito’y ipinahayag laban sa sariling kapakanan.
Nang mamatay si Ponciano noong 1989, masasabing may sapat siyang kaalaman tungkol sa tunay na kalagayan ng bahay dahil siya mismo ang nakatira noong panahong iyon. Gayunpaman ay ipinahayag pa rin ni Ponciano na hindi siya ang nagmamay-ari ng gusali kundi si Danny. Ipinapalagay na ang deklarasyong tulad nito ay totoo dahil ang deklarasyon laban sa sariling kapakanan ay isang pinakamatibay na ebidensya (Parel vs. Prudencio, G.R., 146556, April 19, 2006).
- Latest
- Trending