Kain dito, biyahe roon!

LUMALANTAD pa ang iba pang mga kinainan ni President Arroyo at ang kanyang mga kasama, maliban sa dalawa na alam na ng buong bansa. Mga mamahalin at kilalang lugar na puntahan ng mga mayayaman sa Ame­rika. Ilan pa kayang kainan ang lalantad bago matapos ang termino ng Presidente? At lahat iyan sa huling biya-he pa lang. Saan pa kaya nakakain ang Presidente at mga masuwerteng kasangga niya tuwing bumibiyahe sa ibang bansa?

Depensa naman ng Palasyo, kung hindi dedma, pala­ban na sinasabi na karapatan naman ng Presidente na kumain sa magagandang lugar, dahil pinuno naman ng isang bansa. Pati ang anak ng Presidente na si Rep. Mikey Arroyo ay nagsabi na hindi naman dapat sa McDonald’s lang kumakain ang Presidente. Ano kaya ang masasabi ng McDo sa pahayag na ito? Di sila pang-presidente, pang ordinaryong tao lang? Bakit kaya si Presidente Barack Obama pumupunta pa rin sa paborito niyang kainan ng hamburger, na hindi naman sosyal?

Hindi talaga makuha ng Palasyo, kaalyado, at kamag-anak ang isyu ng mga kinakainan ng Presidente at kanyang mga kasama. Ang isyu rito ay hindi kung may karapatan si President Arroyo, kundi bakit kailangan doon pa. Wala namang kahiya-hiya kung kumain sa simpleng kainan lang. Nung nangangampanya siya, hindi ba ipi­napakita niya na siya’y isang ordinaryong mamamayan lang, at hindi elitista? Ngayong nasa kapangyarihan na, hindi na siya dapat kumakain sa simpleng lugar? At dapat ay lumugar naman sila, dahil hindi naman mayaman na bansa ang Pilipinas.

Kung tatanggapin natin ang pangangatwiran ni Cong. Mikey Arroyo, wala dapat palang isyu kung kumain din sa Le Cirque ang presidente o pinuno ng Ethiopia, at gumastos din ng $20,000. Bukod sa pagkain, nasisilip na rin ang mga ginastos ng administrasyon sa mga biya-he niya sa ibang bansa, at tila sumobra nang husto sa tinakda ng budget. Katwiran naman dito, mas marami naman ang naipasok na pera sa bansa, na ilalagay sa negosyo na makakatulong sa ekonomiya. Ibig bang sabihin, hindi nila makukuha ang mga perang iyon kung hindi sila gumastos nang malaki sa mga biyahe?

Sa SONA, ang Presidente ang nakapuntos sa kan-yang mga batikos at pahapyaw sa mga kritiko niya. Pero ngayon, delubyo ng batikos, pintas at dismaya ang halos araw-araw nang bumabaha sa administrasyon. Kaya naman wala nang gugustuhin pa ang administras­yon kundi kalimutan na ang isyung ito ng pagkain at biyahe!

Napapansin ko rin na dumadami ang naglalantad ng mga inpormasyong ito, na mga kaalyado rin ng adminis­trasyon! Mga nagpapabango kaya ng pangalan at imahe para sa darating na eleksiyon?

Show comments