Anomalya sa LTO Computerization
MAYROON akong kakilala na hiniraman ng kotse ng kanyang kaibigan noon pang 2007 at hindi na natagpuan ang taong humiram. Kamakailan ay natuklasan na ang sasakyan ay pag-aari na ng ibang tao. Naibenta pala ito at kung papaano namanipula ang change of ownership ay six million dollar question.
Pero dapat bang mangyari ito kung computerized na ang sistema ng LTO mula sa pagkuha ng lisensya, rehistrasyon ng sasakyan at pati emission test? The reason kung bakit tayo nagko-computerize ay para maiwasan ang mga pandaraya. Iyan mismo ang rason kung bakit gagawin ng computerized ang darating na eleksyon.
Nagtatanong lang ako porke kontrobersyal na naman ngayon ang P3-bilyong computerization program ng Social Security System na nakuha ng Stradcom-Allcard consortium, na siya ring nakakuha ng kontrata sa LTO. Ibig sabihin, may depekto sa sistema. Binubusisi ng Kamara de Representante ang kontratang ito ng LTO-Stradcom dahil hangga ngayon ay hindi pa nakumpleto ang com-puterization ng pagkuha ng lisensya at maging ang rehistrasyon ng mga sasakyan. At marami rin ang nagtataka kung bakit nakopo ng Stradcom ang walo pang ibang proyekto kahit walang public bidding. Pero hangga ngayon ay wala pa yatang conclusion ang pagsisiyasat.
May mga reklamo rin akong natanggap noong araw mula sa mga drivers at may ari ng sasakyan sa probinsya na dapat pa raw magpunta sa Maynila dahil madalas mag-fumble ang system ng LTO.
At may nakapagbulong pa sa akin na sa tuwing nasisira ang sistema, sandamakmak daw na mga smuggled na sasakyan mula sa Cebu ang nagkakaroon ng instant registration. Ayaw kong isiping sinasadya ang pagbagsak ng computer system.
Kaya marapat lang na silipin ang problemang ito at ituwid ang ano mang iregularidad dahil ang unang-unang napeperhuwisyo ay ang taumbayan.
- Latest
- Trending